Na ipinadala ng pamahalaan
Sa Mamasapano upang hulihin n’yan
Ang ‘world’s most renown terrorist’ na si Marwan
Na napadpad lang dito sa Pilipinas,
At siyang naging mitsa ng pagkapahamak,
Ng ‘Special Action Force’ o itong SAF;
Na ang ginawa ng nakalabang pangkat
Ay maituturing na di makatao
Sapagkat lugmok na nga ang iba rito,
Tinadtad pa rin ng nagbabagang punglo
Nitong ang asal n’yan ay ala-demonyo?
Ang mga baril ay tila umaangil
Sa mga putukang halos walang tigil
Nagbabagang bala ay mistulang pangil
Na nanalasa at sa buhay kumitil.
Ang napagitnaan ng dalawang pangkat
Walang patumanggang sa bala niratrat;
Kabuuang bilang bangkay na nagkalat
sa hanay ng pulis, apatnapu’t apat
Ang mga biktimang nag aagaw -buhay
Ay walang awa pang sa bala binistay
Nagkalasug-lasog yaong mga bangkay
Aa ilang beses na pagbaril sa patay.
Mahabaging langit ay kalunos-lunos
Sinapit ng mga ‘Special Action Force’
Sa mga rebeldeng tila nagpupuyos
Ang galit sa puso, di matapos-tapos
Nag-ugat ang lahat nang dakpin nga sana
Si Marwan, pero nang dahil wala sila
Yatang sapat na koordinasyon kumbaga
Sa mga daratnan, nagkalituhan na.
At itong dumating pagbungad pa lamang
Ay niratrat na sa gitna ng maisan,
Kaya walang tanging bukod napuruhan
Kundi ang kawawang mga kapulisan.
(At ang masakit ay itinanggi nitong
Malakanyang na di n’yan alam itong
Sa Mamasapano naging operasyon,
Ng SAF, pati na rin ng DILG ngayon
At bakit itong si Alan Purisima
Ang anila’y siyang may utos kumbaga,
Gayong suspendido, kundi si Espina
Ang dapat pumapel at di itong isa)
Dahil sa banggan ng mga prisipyo
Dumanak ang dugo sa Mamasapano
Rebelbe laban sa kawal ng gobyerno
Magkakadugo at pawang Pilipino.
Ang tunggalian at paggamit ng dahas
Nitong Inangbayan kailan magwawakas?
Ilang buhay ba ang kailangan malagas
Bago pa matamo ang payapang bukas?
Ah, marahil kapag itong Inangbayan
Ay dumanas muli ng kapighatian
Sa kamay ng lilo’t ganid na dayuhan,
Saka lamang tayo magka-isang tunay?
Kabayan, iyo pa kayang nanaisin
Na tayo ay muli pang maging alipin
Sa sariling bayan bago ganap nating
Ang Paglayang tunay ay tuluyang kamtin?!