MALOLOS CITY —Nanindigan ang Diyosesis ng Malolos na hindi titigil sa pagpapaliwanag hinggil sa kontrobersyal na Reproductive Health (RH) Bill kahit pa ito ay maging isang batas.
Kaugnay nito, limang kongresistang Bulakenyo at dalawa mula sa Lungsod ng Valenzuela ang kumatig sa paninindigan ng Simbahan laban sa RH Bill na sinasabing matatagalan pa bago mapagtibay.
Samantala, libo-libong Bulakenyo mula sa 107 parokya ang nakilahok sa isang Rally for Life sa harap ng Basilica Minore sa lungsod na ito noong Biyernes, Hunyo 10.
Ayon kay Monsignor Manny Villaroman, malaki ang posibilidad na magigang batas ang RH Bill, ngunit ayon kay Kint. Roilo Golez ng Paranaque na dumalo sa Bulacan Rally for Life, matatagalan pa ito, dahil marami ang magtatanong sa Kongreso at Senado.
Ngunit kung mapagtibay man ang panukalang batas, sinabi ni Villaroman na magpapatuloy ang simbahan sa kampanya sa pagpapaliwanag ng mga probisyon nito sa mga tao.
Si Villaroman ang director ng Commission on Family and Life ng Diyosesis ng Malolos.
Inayunan din ito ni Fr. Dars Cabral, ang director ng Commission on Mass Media ng diyosesis nang kanyang sabihin na: “Hindi na usapan kung manalo o matalo; we have to continue to educate people, it’s the movement of the Holy Spirit kaya naging open ito at naging conscious ang mga Pilipino sa usapin ng population.”
Idinagdag pa ni Cabral na “ its our responsibility as citizen na maging conscious sa usaping ito dahil bilang Pilipino, family centered ang kultura natin. Magandang pagkakataon nangyayari ito dahil hindi ito dating pinag-uusapan ng pamilya, ngayon, usapin na.”
Hinggil naman sa posibilidad na mapagtibay ang panukalang batas, sinabi ni Villaroman na nagkulang sa pagpapaliwanag sa mga tao ang nagsusulong ng RH Bill.
“Sa katunayan mananalo ang pro-RH Bill because as it stands today, the last survey, 54 is pro, 14 is anti-RH Bill, ang laking gap,” aniya.
Sinabi pa ni Villaroman na “its understandable, kasi parang kinuha lang yung uneducated at unemployed at sinabing this is for you, pero di nila in-educate. Parang sinabi lang nila na this is for you, and you have to support it.”
Kaugnay nito, sinab nina Villaroman at Cabral na kumatig ang mga kongresista sa Bulacan at Lungsod ng Valenzuela sa pananaw ng simbahan hinggil sa RH Bill.
“Nagbigay na sila ng commitment na pro-life stand matapos kausapin ni Bishop Jose Francisco Oliveros,” ani Villaroman.
Ang mga nasabing kongresista ay sina Marivic Alvarado (Unang Distrito, Lakas), Pedro Pancho (Ikalawang Distrito, Lakas), Joselito Mendoza (Ikatlong Distrito,Liberal Party), Linabelle Villarica (Ika-apat na Distrito, LP), at Arthur Robes ng lone district ng Lungsod ng San Jose Del Monte.
Maging sina Kinatawan Magtanggol Gunigundo at Rex Gatchalian ng Lungsod ng Valenzuela ay kumatig sa paninindigan ng Simbahan.
Ang Lungsod ng Valenzuela ay dating bahagi ng Bulacan, at sa kabila na ito ay bahagi na ng kalakhang Maynila, ang mga parokya sa nasabing lungsod ay nananatiling nasa ilalim ng Diyosesis ng Malolos.
Maging si Gob. Wilhelmino Alvarado ay nagpahayag ng pagkatig sa paninindigan ngSimbahan.
Nilinaw naman ni Cabral na ang pagkatig ng mga nasabing opisyal ng gobyerno ay hindi naimpluwensiyahan ng Simbahan.
“It is their own decision and we think they decided based on their conviction and on what is right,” ani Cabral.