LUNGSOD NG Tarlac – “Dumating na po ang mga kagamitan at resources mula sa Metro Manila Development Authority na gagamitin para sa pansamantalang tawiran sa Tarlac River.”
Ito ang masayang ibinalita ni Mayor Susan Yap sa kanyang social media page kinagabihan ng mismong araw, Sept. 25, kung kailan personal na ininspeksyon ng mayor, kasama sina MMDA chairman Atty. Romando Artes at Cabinet Secretary Benhur Abalos, ang mga nasabing kagamitang sa tanggapan na binubuo ng 50 pontoons na may kabuuang sukat na 125 meters, tatlong rubber boats na may outdoor motor, apat na Thai boats, 50 life vests, at 10 throw ropes.


Ayon kay Yap, sisiguraduhin ng pamahalaang panlungsod na maumpisahan ang pagsasaayos at paglalatag ng mga kagamitan sa lalong madaling panahon at matiyak na ligtas at tama ang pagkakagawa at paggamit nito bago ito buksan para sa ating mga kababayan.


“Sa mga susunod na araw, magkakaroon na ng karagdagang option para sa mga kailangang tumawid papunta at pabalik sa kabilang side ng ating lungsod. Sana ay makatulong ito para mas mapagaan ang pagtawid at mabawasan din ang bigat ng trapiko sa Agana Bridge,” dagdag pa ng punong-lungsod.



Nagpahatid din ng pasasalamat si Yap kina President Ferdinand R. Marcos Jr., MMDA chairman Artes, Cabinet Secretary Abalos, at sa national government sa agarang suporta para sa Tarlac City. Punto News Team/Mayor SY FB page


