BALIK TODAs. Puno na naman ang mga antayan ng tricycle sa pagsisimulang muli ng pasada dulot ng GECQ. Kuha ni Johnny R. Reblando
LUNGSOD NG OLONGAPO – Balik uli sa mga lansangan matapos ang may mahigit na dalawang buwang tigil–pasada ang lahat ng tricycle sa Olongapo City mula Zone l, ll, lll at lV matapos sumailalim sa general enhanced community quarantine ang siyudad.
Mahigpit ding ipinatutupad ang pagsusuot ng face mask at social distancing at isang pasahero lamang ang dapat isakay sa bawat tricycle.
Pinagbawalan din ang mga trike driver na maghatid ng pasahero sa ibang lugar na hindi sakop ng zona ng isang tricycle.
Kaugnay nito, hinati sa dalawang grupo ang mga mamamasada sa Lunes-Miyerkoles-Biyernes at Martes-Huwebes-Sabado mula alas–5 ng umaga hanggang alas–5 ng hapon lamang.
Maliban dito hindi muna pinapayagang makabiyahe ang mga jeepney at bus habang inaantay ang abiso mula sa Land Transportation Franchising Board.