GAANO man yata kahigpit ang gawing
pagtutok ng mga otoridad natin
sa bawal na pagpa-paputok, di pa rin
matuldukuan ang ‘indiscriminate firing,’
Na ikinamatay ng di lamang isa,
dalawa o higit pang naging biktima
ng nagpaputok ng mga baril nila,
sa kasagsagan ng ating pagsasaya
Sa pagpasok nitong bago at paglisan
ng sinundang taon at ating masayang
sinasalubong ng buong kagalakan
ang paparating na ipinagdiriwang.
Pero sa kabila nito ay di saya
ang dulot kundi ng hinagpis at dusa
sa sawimpalad na kawawang biktima
na tinamaan d’yan ng ligaw na bala.
Kaya nga’t imbes masayang pagsalubong
ang maasahan ay hindi bagong taon
na puno ng sigla kundi ng linggatong
at lungkot ang dulot ng bagay na iyon.
Na gaya ng ibang ipinagbabawal
na mga ‘fi recrackers’ na tulad ng ‘bawang,
pla-pla, judas belt’ at ibang katawagan,
sa buhay ng iba ng iba ay kapahamakan.
At walang posibleng sa atin idulot
kundi ng disgrasya kapagka’ pumutok
kaagad at tangan pa natin matapos
sindihan at ito ‘y bigla ngang sumabog!
Pero sa kabila r’yan ng maigting
na kampanya laban sa ‘indiscriminating’
na pagpaputok ng ating mga baril
ang naturan ay di nabibigyang pansin.
At ito’y patuloy pang patago nilang
ibinebenta at binili naman
nitong iba nating mga kababayan,
na may katigasan din ang ulo minsan.
Partikular na r’yan nitong gumagawa
ng ganyan, na basta kumita lang yata
ay para bang di na nila alintana
ang maaring ikapahamak ng kapwa.
Aywan naman dito sa patuloy pa rin
na bumibili n’yan kung bakit palaging
tinatangkilik ang ganitong bilihin
ng mga tuso at manhid ang damdamin.
Na naaatim ng kanilang konsensya
ang makita itong kapwa tao nila
ay napahamak nang dahil sa kanila
na may gawa r’yan ng bawal na paninda.
Ilang kabataan na ang nakaranas
masabugan nitong mga malalakas
na paputok gaya nitong tinatawag
nilang kahawig ng ‘Adios Pilipinas?’.
Hihintayin pa ba nating tayo itong
susunod malagay sa ganyang situasyon,
na ang kamay natin bagama’t di putol,
pero sabog naman ang pisngi at ilong?
Masakit tanggapin ang katotohanan,
na kung alin kasi ang bagay na bawal
ay siyang dito sa’tin pinagpipyestahan
pati na rin nitong otoridad minsan.
Kaya suma total tama’t mga dilat
ang mata ng iba ya’y mistulang bulag
sa harap ng ano mang bagay na labag
kapalit ng maging madaling kausap?!