FORT RAMON MAGSAYSAY (PIA) – Bumisita si National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa kampo ng Fort Ramon Magsaysay sa lungsod ng Palayan, Nueva Ecija.
Dito ay nakipagpulong ang kalihim sa mga kasundaluhan na kung saan tinalakay ang mga mahahalagang usapin na may kaugnayan sa pagpapataas ng kanilang moral at kapakanan tungo sa patuloy na pagbibigay ng mahusay na serbisyo sa bansa at taumbayan.
Ipinahayag ni Teodoro na walang dapat na ipag-alala ang mga kasundaluhan sa pagtanggap ng pensiyon sa panahon ng pagreretiro dahil bilin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na masigurong kanilang matatanggap ang mga nakalaang benepisyo.
Isa rin sa mga binisita ng kalihim ay ang ipinatatayong pasilidad sa loob ng kampo na magagamit bilang joint training facility at lagakan ng mga kagamitan para sa pagpapahusay ng Humanitarian Assistance and Disaster Response na kabilang sa mga proyekto sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ng Pilipinas at Estados Unidos.
Ang itinatayong pasilidad ay parehong makatutulong sa dalawang bansa lalo na sa paghahatid ng tulong sa panahon ng kalamidad tulad sa kailangang logistics ng mga kasundaluhang Amerikano, kasama na ang pagpapalakas sa kapabilidad ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Paglilinaw ng kalihim, ang EDCA ay bahagi lamang ng pagpapatatag at pagpapaunlad ng AFP na kinakailangan nang gawin dahil sa kasalukuyang sitwasyon o nangyayari sa labas ng bansa.
May EDCA man aniya o wala ay kinakailangan pa ring mapaunlad ang mga kampo sa bansa, sa pagbibigay proteksyon sa mga nasasakupang teritoryo at exclusive economic zone ng Pilipinas.
Para maging matatag ang isang republika aniya ay mahalaga ang pagkakaroon ng matatag na sandatahang lakas.
Sinabi rin ni Teodoro na nagsisikap ang kagawaran sa patuloy na pagsusulong ng modernisasyon sa AFP at pagpapaunlad ng kakayahan at kapabilidad ng mga kawal sa bansa.
Pinuri rin ni Teodoro ang mga kumander na nagsusulong ng inisyatibo sa pagpapalakas at pagbibigay halaga sa kakayahan at maiaambag ng mga Ready Reserved Units.
Ipinaalala ng kalihim na ang Fort Magsaysay ay para sa lahat ng mga Pilipino at sentro ng depensa ng Pilipinas na pagmamay-ari ng bansa at hindi ng sinuman.
Samantala, kasama ng kalihim sa pagbisita sa kampo sina AFP Vice Chief of Staff Lieutenant General Arthur Cordura, Northern Luzon Commander Lieutenant General Fernyl Buca, at ilan pang matataas na opisyales ng kagawaran. (CCN/ PIA-3 Nueva Ecija)