Teacher nirereklamo dahil sa pananakit ng estudyante

    931
    0
    SHARE
    SAN MIGUEL, Bulacan – Isang guro ng San Miguel North Central School dito ang inirereklamo dahil sa umano’y pananakit nito sa kanyang mga estudyante.

    Isa sa mga estudyanteng nagrereklamo ang humarap sa Punto Central Luzon at isinalaysay ang kanyang karanasan sa kanyang guro na nakilalang si Crispin Balino.

    Ayon sa grade 6 pupil na itinago sa pangalang Erwin Burlo, naghaharutan silang mga magkaklase sa oras ng recess noong nakaraang Martes. Ngunit may nagsumbong umano sa nasabing teacher ng kanilang ginagawang harutan kayat ipinatawag sila nito.

    Nang tanungin umano ng guro kung sino ang mga magugulo ay lumapit siya sa mga estudyante. Doon umano’y sinuntok niya sa braso ang isa sa mga ito, sinikmuraan, pinitsarahan sa damit, isinaldak sa silya at saka tinadyakan.

    Dahil dito ay nagtamo ng pasa sa braso ang nagrereklamong estudyante.

    Samantalang naluluha at galit na galit naman ang ina ng bata na si Perlita Lureano dahil sa sinapit ng anak sa kamay ng guro.

    Aniya, masakit para sa kanila ang pangyayari dahil maging sila mismong mga magulang ng bata ay hindi pinatitikim ng ganoong klaseng pagmamaltrato ang bata.

    Ngunit ang mas masakit pa aniya, ng magtungo sila sa eskwelahan upang magreklamo sa tanggapan ng punong guro na si Placido Carlos ay pinagsalitaan pa umano sila nito ng masasakit.

    Ayon umano sa principal, ang ginawa ng guro sa bata ay bahagi lamang ng pagdidisiplina at hindi na dapat magsumbong pa kahit kanino at wala ding mangyayari sa reklamo nito.

    Ayon naman kay Melvin Santos, kapitan ng baranggay Camias, apat na mga magulang na ng estudyante ng nasabing paaralan ang dumulog sa kanilang tanggapan dahil sa pananakit ni Balino.

    At isa sa mga ito ay si Mico Laureano na kanilang sinamahan sa ospital upang masuri. Nang lumabas sa resulta ng medico legal ay nagtamo ito ng Hematoma sa magkabilang braso na ang pinagmulan aniya ay ang panununtok.

    Matapos makapanayam sina Laureano at Santos ay sinamahan ito ng Punto sa tanggapan ni Carlos upang kuhanin ang panig ng eskwelahan kung saan nasaksihan ang pagtatalo ng mga ito.

    Tumangging magbigay ng pahayag sa harap ng camera si Carlos at wala din aniya sa kanilang eskwelahan ang inirereklamong guro dahil sa umano’y may nilakad ito sa ibang bayan.

    Galit na binalingan din ni Carlos ang Punto at sinabing hindi na dapat binibigyang pansin ang reklamong ito sapagkat aniya’y maliit na bagay lamang ito.

    Aniya, hanap-buhay ang ginagawa ng media.

    Giit pa ng principal kung nagkamali ang kanyang guro sa pananakit ay pagsasabihan na lamang niya ito upang hindi na ulitin ang ginawa sa mga estudyante.

    Ngunit hindi na rin umano dapat na pinalalaki pa ng mag-inang Laureano ang usapin dahil sa maliit na bagay lamang ito.

    Kinompronta ni Laureano ang principal at sinabing hindi tamang maging siyang magulang ng batang nasaktan ay pagsasalitaan nito ng masasakit at tuturuan pa ng kanyang gagawin.

    Ngunit galit na sagot ng principal ay “gusto mo bang bayaran kita ng isang libo?”

    Matapos ang komprontasyon ay desidido pa rin ang mga Laureano na sampahan ng kaso ang gurong nanakit at ang principal ng paaralan.

    Ayon sa ina ng bata, dapat na mabigyan ng aral ang mga ito upang hindi na maulit ang pananakit sa iba pang mga estudyante.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here