MAY NABASA akong isang feministang cartoon strip tungkol sa pagdalaw ng tatlong Pantas na lalaki: “Ano daw kaya ang nangyari kung imbes na mga lalaki ay mga babae ang tatlong Pantas na bumisita sa Sagrada Pamilya sa Belen?”
Ganito ang mga sagot: Una, “Baka nakarating sila nang mas maaga at nakatulong pa sa pagpapaaanak kay Mama Mary.” Pangalawa, “Baka nilinis muna nilang mabuti ang isang sulok ng kuwadra, at nagsabit siya ng duyan na kumot at iyon ang pinaghigaan sa bata imbes na sabsaban.” Pangatlo, “Baka daw nagdala sila ng mas praktikal na regalo tulad ng lampin, alcohol at sabon, at nagluto ng lugaw.” Bakit nga ba ginto, insenso at mira ang regalo nila? Ano ang kinalaman ng mga ito sa bata?
Alam n’yo ba na merong isang pelikula ang batikang director na si Martin Scorsese na hindi nagkaroon ng commercial release dahil hinarangan daw ng Chinese government. May kinalaman daw kasi ito sa Tibet na inokupahan ng China noong 1950 at sa sumunod na exile ng 14th Tibetan leader na tinatawag na “Dalai Lama.”
Bahagi pala ng tradisyon nila kapag namatay ang Dalai Lama ang paghahanap ng kanyang magiging successor na itinuturing nilang reincarnation ng pumanaw nilang lider. (Bahagi ng paniniwala ng mga Buddhists ang reincarnation, na hindi bahagi ng doktrinang Kristiyano.)
Sa pelikulang ang title ay “KUNDUN”, pinagmamasdan din daw ng mga Tibetan monks ang galaw ng mga bituin sa langit bilang gabay sa paghahanap nila ng magiging bagong Dalai Lama. Ayon sa kuwento, humantong sila sa bayan ng Taktser sa Amdo region ng Northeastern Tibet kung saan isinilang si Tenzin Gyatso, na ang palayaw ay KUNDUN.
Buhay pa siya; kasalukuyang nabubuhay in exile sa India, sa Dharamsala. Nang makarating daw sa bahay ng nasabing bata, binigyan daw ng Tibetan monks ng pagsubok o pagsusulit ang bata. Inilantad sa harapan ng bata ang iba’t ibang mga bagay na mamahalin, nakahalo doon ang mga gamit ng namatay na Dalai Lama para papiliin siya ng tatlong regalong magugustuhan niya. At ang pinili daw na tatlong regalo ng bata—lahat ay mga personal na gamit ng dating Dalai Lama. Iyun daw ang naging palatandaan na siya na nga ang hinahanap nilang reincarnation ng namatay na Dalai Lama at ngayon ay magiging pinuno ng bayan nila.
Mukhang ang mga alamat tungkol sa paghahanap ng bagong lider ay isang pamilyar na uri ng panitikan sa oryental na tradisyon. May kwento ring ganyan tungkol sa paghahanap ni propetang Samuel sa hihiranging bagong hari ng Israel pagkatapos ni Saul. Nahanap daw niya ito sa bahay ni Jesse, hindi sa mga mas matatandang anak na lalaki kundi sa batang si David na nagpapastol sa parang at may gatas pa sa labi. Mukhang ginamit ni San Mateo ang pamilyar na mga tradisyong pampanitikan na ito sa ginawa niyang introduction ng kanyang ebanghelyo. Naroon ang lahat ng sangkap ng alamat: mga pantas na nagmamasid sa langit, naglakbay mula sa malayong silangan, naghandog ng mga regalong magpapakilala kung sino talaga ang batang ito at kung ano ang magiging misyon niya.
Matagal nang naghihintay ang Israel ng Mesiyas o Lider na magliligtas sa kanilang bayan. May hula na ito ay isang bagong haring magmumula sa lahi ni David. May hula naman na ito ay isang bagong Pari na mamumuno sa templo. At may hula rin na ito ay bagong propeta na ka-kalibre ni Elias. Ang ginto ay simbolo ng hari. Ang insenso ay simbolo ng pari. Ang mira (na ginagamit pang-embalsamo sa patay) ay simbolo ng propeta. Pinapatay kasi ang karamihan sa mga propeta dahil sa paninindigan nila sa tama at totoo. Kaya may ibig sabihin pala itong si San Mateo nang ihandog ang lahat ng tatlong regalong ito kay Hesus. “Three in One”, kumbaga, ang magiging misyon ng batang ito: sabay na hari, pari, at propeta sa iisang persona.
Sa kanya lalapit ang lahat ng mga bansa, bayan at lahi sa daigdig upang magkaisa. Siya ang magiging larawan ng tunay at mataas na uri ng pagkatao. Tataglayin niya ang KADAKILAAN (simbolo ng ginto), ang KABANALAN (simbolo ng insenso), at PANININDIGAN SA TOTOO (simbolo ng propeta). Lahat ng maganda, mabuti at marangal tungkol sa ating pagkatao—ito ang ipapakita niya sa buong mundo. Aakitin niya ang lahat ng bansa sa buong mundo upang matuklasan ng tao ang tunay na saysay at kahulugan ng pagiging tao. Upang makilala ng tao kung sino sila sa mata ng Maykapal—mga anak ng Diyos. At dahil iisang magulang ang pinanggalingan, mga magkakapatid, mga miyembro ng iisang pamilya. Ito ang diwa ng kapistahang ipinagdiriwang natin sa araw na ito ng Epifania.
(Homiliya para sa Kapistahan ng Epifania o Pagpapakita ng Panginoon sa mga Bansa, Enero 4, 2025, Mt 2:1-12)