(Karugtong ng sinundang isyu)
NANG naa-ayon sa tamang kalakaran
A/o marapat na sunding patakaran
Sa pagitan ng may-ari ng sakahan
At nitong palaging ‘under paid’ na tenant
Na siyang nagsaka, nagpunla’t nagtanim,
Pero nang ang pinagpagura’y anihin
Ay siya’ng sa dulang walang maihain
Sa pamilya dahil walang maisaing
Pagkat bago pa man ang ani’y isilid
Sa sako matapos na yan ay magiik,
Kinaltas na nitong kasamak na switik
Ang utang ng isa pati na interes
Na ubod ng taas at doble na halos
Ang kabuoan ng halagang inabot
Ng ipinalual na perang kakarampot
Nitong kunwari ay nagmagandang loob.
Kung kaya marahil bukod kay Luis Taruc
Nang panahong iyon kasamang kumilos
Sa isinusulong ng samahan ng Huk
Ang abogadong si Pedro Abad Santos
Na kilalang tagapagtanggol ng lahat
Ng minamaltrato ng mga kasamak,
Gayong si Don Pedro ay kabilang dapat
Nitong ang gamit na kutsara ay pilak.
Pero bilang taong may paninindigan
Na sadyang bukal sa puso’t kalooban
Ang gawang pagtulong sa nangangailangan,
Tinalukuran niya ang marangyang buhay.
At tulad ni Ka Luis ay mas minabuti
Na itaya nito ang kanyang sarili
Sa panganib para lang makapagsilbi
Ng walang kapalit sa dukha at api
At maiahon yan sa sistemang ‘feudal’
Na daang taon nang ipina-iiral
Ng mga may-ari ng lupang sakahan
Sa Gitnang Luzon at ibang lalawigan.
At ya’y kabilang sa problemang ninais
Bigyang kalutasan noon ni Ka Luis
Sukdang ang sariling buhay ay ibuwis
Sa pakikibakang lubhang mapanganib
Bunsod na rin nitong ang kwenta kaaway
Ng kilusang kanyang pinamumunuhan
Ay di lamang mga mayayamang angkan,
Na di malipad ng uwak ang sakahan
Kundi pati na rin ang gobyerno mismo
Nang si Quirino pa ang ating Pangulo;
(At naging daan lang sa pagsalong nito
Ng kanyang sandata’y si Ninoy Aquino
Na noo’y Reporter o mamamahayag
Ng kilalang pahayagang Manila Times,
Na namagitan sa pagsuko ng tanyag
Na Supremo ng kilusang Hukbalahap)
Pero panahon na ng Administrasyon
Ni Ramon Magsaysay ang pangsuko noon
Ni Luis Taruc bunsod na ring pangakong
Inaasahan para sa isinusulong.
(Na sapat na sahod at/o kompensasyon
Pero taliwas pa yata hanggang ngayon
Sa hacienda mismo ng angkan ni P-Noy,
Dahil bigo pa ring dito maisulong?!)