Talakayan ukol sa tubig pangungunahan ng City Hall, simbahan

    305
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Pangungunahan ng pamahalaang lungsod ng Malolos at Simbahang Katoliko ang isang pampublikong pagdinig hinggil sa problema sa suplay ng tubig sa lungsod na ito.

    Ngunit wala pang tiyak na araw kung kailan ito isasagawa ayon kay Mayor Christian Natividad.

    Ang pagsasagawa ng pagdinig ay tugon ng pamahalaang lungsod matapos hindi magtagumpay ang isang press conference na ipinatawag ng City of Malolos Water District (CMWD) noong Biyernes ng umaga, Mayo 4.

    Ayon kay Natividad, ang pagsasagawa ng pampublikong pagdinig hinggil sa kalagayan ng pagpapadaloy sa tubig sa lungsod na ito ay tugon sa panawagan ng mga residente ng Barangay San Pablo.

    Sinabi niya sa Punto na ang pagdinig ay maaaring isagawa sa Biyernes (Mayo 11), ngunit “tentative” o hindi pa tiyak kung matutuloy iyon sa nasabing araw.

    Ang pagsasagawa ng pagdinig ay pangungunahan ng pamahalaang panglungsod kasama ang Diyosesis ng Malolos at inaasahang dadaluhan ng mga konsesyunaryo ng CMWD.

    Sinabi pa ni Natividad na marami na siyang reklamong natanggap mula sa mga konsesyunaryo at nakipag-ugnayan na rin siya sa pamunuan ng CMWD.

    Matatandaan na noong Biyernes, Mayo 4 ay nagpatawag ng isang press conference ang CMWD na dinaluhan ng ilang mamamahayag sa lalawigan.

    Ngunit hindi nagtagumpay ang nasabing press conference na maipaliwanag ang mga aksyon na kanilang ginagawa para tugunan ang problema sa mahinang daloy ng tubig sa Barangay San Pablo.

    Sa halip ay pinasinungalingan ni Nicasio Reyes, general manager ng CMWD, ang mga balitang lumabas na ayon sa kanya ay patungkol sa krisis sa tubig sa lungsod na ito.

    “Walang water crisis sa Malolos at may sapat na tubig sa San Pablo,” ang paulit-ulit na sinabi ni Reyes sa mga mamamahayag.

    Bilang tugon, ipinaliwanag ng mga mamamahayag kay Reyes na wala silang ibinalitang krisis sa tubig, sa halip ay si Reyes ang bumigkas ng mga katagang iyon.

    Matapos ang paglilinaw ng mga mamamahayag, inamin ni Reyes na hindi nga nabanggit sa mga balita ang mga katagang “krisis sa tubig” ngunit igiiit niya na “iyon ang lumabas na perception ng taumbayan.”

    Kaugnay nito, iginiit nina Eduardo Camua, Chat Petallana at Fortunato Dionisio ang problema sa tubig sa Barangay San Pablo.

    Gayunpaman, binigyang diin ni Camua na hindi na dapat magsisihan, sa halip ay tugunan ang problema. “May isyu ba o wala, may problema ba o wala.  Huwag na po tayong magsisihan.”

    Ayon pa kay Camua, dapat ay ipaliwanag ng CMWD ang buong sitwasyon sa pagpapadaloy ng tubig inumin sa lungsod upang maunawaan ito ng mga konsesyunaryo.

    “Hindi pwede yung puro presscon, puro papogi na lang, hindi naman natutugunan ang daing ng konsesyunaryo,” aniya.

    Iginiit pa ni Camua na hindi na dapat tukuyin pa ng CMWD ang mga nagsisipagreklamong konsesyunaryo.

    “Huwag na po nating hanapin yung nagsisipagreklamo, unawain na lang natin na abnormal na ang daloy ng tubig,” ani Camua.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here