Nueva Ecija 3rd District Rep. Rosanna Ria Vergara
CABANATUAN CITY – Umaani ngayon ng suporta sa House of Representatives ang panukala na pagbibigay ng karagdagang pondo para sa Teachers’ Salary Subsidy (TSS) matapos ipahayag ni Nueva Ecija 3rd District Rep. Rosanna Ria Vergara ang kasalakuyang sitwasyon ng mga guro sa kanyang distrito.
Ang hakbang na ito ay naglalayong maiwasan ang paglipat ng mga private school teachers sa public learning institutions.
“In my district, a number of private schools have shut down. I hope we can have another law that would benefit private schools with certain benefits that government gives public school teachers,” paliwanag ni Vergara.
Sa pagdinig House Committee on Education kamakailan ay nagkaisa ang mga mambabatas sa pananaw na ang maramihang pagbibitiw ng mga guro sa mga pribadong paaralan ay makasasama sa basic at secondary education program sa bansa.
Dito ay inihayag ni Vergara, committee vice chairperson, ang kalagayan ng mga pribadong eskwelahan dahil sa pag-alis ng kanilang teaching personnel. Maaari aniya itong magresulta sa pagsasara ng maraming paaralan.
Sinabi naman ni Sorsogon Rep. Evelina Escudero na maraming estudyante ng pribadong institusyon ang lumipat na sa pampublikong eskwelahan dahil sa coronavirus disease pandemic.
Binigyang-diin naman ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang pangangailangan para sa isang pag-aaral na tutukoy sa mga hakbang na dapat gawin upang matulungan ang mga guro ng pribadong paaralan.
“Kaya dapat mas mataas at maganda ang kalidad ng edukasyon sa public schools,” pahayag naman ni Baguio City Rep. Marko Go.
Ang isinusulong na pagpapalawak sa TSS ay sasakop din sa mga guro ng pribadong paaralan na nakatalaga sa junior high school.
Ayon kay Department of Education Usec. Jesus Mateo, may 51,626 TSS recipients sa ilalim ng programang Government Assistance to Students and Teachers in Private Education.
Matatandaan na taong 2017 pa lamang, sa pamamagitan ng isang interpellation sa budget deliberation para sa DepEd, inihayag na ni Vergara ang kaniyang hangarin na mabigyang solusyon ang isyu na ito.