ISANG MAKABULUHANG pagpupugay ang iginawad ng pamahalaang lokal ng Angeles sa mga tsuper ng mga pampasadang jeepney at tricycle sa kalunsuran.
Ito ay ang Super Tsuper: Search for Angeles City’s Kings of the Road na ginanap sa SM City Clark nitong Miyerkules ng gabi.
Ang pagpili sa mga tinaguriang “hari ng kalsada” ay idinaan sa tagisan ng talento patimpalak pang-personalidad .
Ang lahat nama’y nasiyahan sa tunay na kapuri-puring gawaing ito na pinamunuan mismo ni Mayor Ed Pamintuan.
Kapuri-puri sa adhikain nitong maitaas ang antas na kinalalagyan sa lipunan ng mga “abang” tsuper ng mga sasakyang pang-masa sa pamamagitan ng pagkilala sa natatanging papel na ginagampanan sa lahat ng galaw ng pamayanan.
Sa kabilang banda, dapat sana’y maging daan ang pagpupugay na ito ng ganap na propesyunalisasyon ng hanay ng mga tsuper, ayon na rin sa nakasaad sa kanilang mga lisensiya.
Sa ganang akin, ang propesyunalismo ang dapat binigyan diin sa pagtuklas ng natatanging mga tsuper. Hindi ang pagiging “king of the road” na nagpapalaki lamang ng ulo sa mga tsuper na nauuwi sa kapalaluan at kalabisan.
Tunay namang matagal nang naghahari-harian sa mga kalsada ang mga tsuper ng mga sasakyang pampubliko. Asa mo’y kanilang pag-aari ang mga lansangan. Walang pakundangan kung suwayin at suwagin ang mga batas-trapiko.
Tunay na mga suwail at pasaway.
Gayunpaman, hindi lamang ako sang-ayon kundi akin pang ipagpipilitan sa pamahalaang lokal ng Angeles na ipagpatuloy ang taunang pagtuklas ng mga natatanging tsuper sa hanay ng jeepney operators and drivers association at tricycle operators and drivers association.
Lamang, sa gawi’t gawa ng mga tsuper, ang kanilang JODA at TODA ay higit na akma sa pangalang JODAS at TODAS – ang letrang “S” na idinagdag ay nangangahulugang “suwail.”
Kaya higit sa talento o personalidad, propesyunalismo sana ang gawing panuntunan sa pagtuklas o patimpalak. Ano ba ang ibig nating sabihin sa propesyunalismo?
Una, kaingatan ng tsuper sa pagmamaneho. Hindi natitiketan sa traffic violation o nakukuhanan ng lisensiya ng mga pulis o LTO.
Pangalawa, pagtupad sa mga batas trapiko, gaya ng pagsunod sa ilaw-trapiko: hinto pag pula, ingat pag dilaw, lakad pag luntian. Madalas ginagawang non-stop lane ng mga jeepney ang outermost lane ng highway, walang pakialam pula man ang nakasindi dito.
Pangatlo, ang pagsakay at pagbaba ng mga pasahero sa mga akmang sakayan at babaan at hindi sa kung saan-saan lamang, lalo’t higit sa gitna ng kalsada mismo.
Pang-apat, pagsingil sa tamang pasahe at pagbibigay ng tamang sukli sa mga pasahero. Gayundin ang paggalang sa mga discount na ibinibigay sa mga estudyante at mga senior citizens.
Panlima, ang pagsindi ng mga headlights sa gabi. Marami pa rin sa mga pampasadang jeepney na biyaheng San Fernando-Angeles, Telabastagan, at Checkpoint-Holy ang binubulag sa kadiliman sa maling paniniwala ng tsuper na tipid ito sa baterya. Hindi tipid kundi gastos at disgrasya ang mapapala sa aksidenteng idudulot nito.
Pang-anim, pagbabawal sa paninigarilyo sa loob ng pampublikong sasakyan, sa tsuper man o sa pasahero, gayundin ang pagbabawal sa pagtatapon ng basura sa loob at labas ng sasakyan.
Pampito, pagpapanatili sa kalinisan ng sasakyan at kalinisan sa katawan at pananamit ng tsuper.
Ang gawi’t katangian ng isang natatanging tsuper ay nakasuma sa iisang kataga: Disiplina.
Ito sana ang maging gabay tungo sa ganap na pagka-propesyunal ng mga tsuper sa kalunsuran. Ito na nga ang magsisilbing batayan ng isang tunay na super tsuper.