Sugat sa kasaysayan

    630
    0
    SHARE
    ALIN DITO ang totoo? Alin ang kathang-isip lamang?

    Ito ang katanungang palagiang iniuugnay sa anumang kathang kasaysayan, true-to-life story, o historical fiction.

    Karamiha’y totoong mga kaganapan, may iilang kinatha atas ng poetic license para sa dramatic effect.

    Ito naman ang karaniwang kaakibat na kasagutan.

    Sa pelikulang Heneral Luna, alin ang alin?

    Sa ganang akin, naging matapat ang pagkakalarawan sa heneral na ang tanging pagkakakilala na aking pinanghahawakan ay mula sa araling-pangkasaysayan sa mataas na paaralan at sa pamantasan, pati na rin sa iba pang mga aklat na aking nabasa tungkol sa himagsikan. Na liban sa pagiging nakababatang kapatid ng dakilang pintor na si Juan, si Antonio Luna ay isang duktor, mahusay na eskrimador, muntik pang maka-duelo ni Dr. Jose Rizal, likas na mainitin ang ulo, dakilang mangingibig. Natatanging heneral – ayon na rin sa mga nakalabang Amerikano – bunsod ng kanyang pagiging henyo sa larangan ng pakikidigma. Higit sa lahat, wagas ang pagibig sa tinubuang-bayan. Ang lahat ng yaon ay nabigyan ng akmang pagpapahalaga sa pelikula.

    Datapwa’t, hindi ito isang movie review. Wala akong anumang pagkukunwari o ambisyon, lalo’t higit munting kaalaman man lamang, na maging isang manunuri sa pelikula. Ito ay isang paghahayag ng mga damdamin at kaisipang pinukaw sa akin ng Heneral Luna.

    Una, ang muling pagnaknak ng di-maghilom na sugat ng kasaysayan sa “tunay” na katotohanan tungkol sa pagpatay – o pagkatay, gaya ng naisalarawan sa sine – kay Luna.

    Isama na rin dito ang kasing-lagim na sinapit ni Gat. Andres Bonifacio, na binigyan din ng flashback sa pelikula. Dalawang magkahiwalay at magka-ibang mga kaganapan na iisa ang pinag-usbungan – inggitan, magkakasalungat na interes, kataksilan, power struggle, internal conflict, o yaong matatawag ding “revolution in a revolution.” Na iisa ang pinanggalingang kautusan – si Emilio Aguinaldo, pangulo ng Pilipinas.

    Burahin ang mukha ni Aguinaldo sa limang piso! Sigaw na nagmuntik-muntikang umaligwa sa lalamunang sinasakal ng magkahalong galit at dalamhati sa trahedya ni Bonifacio’t Luna.

    Panahon na – kahit man lamang para sa kasalukuyan at sa susunod pang saling-lahi – upang itama’t ituwid ang pagkabusabos ng kasaysayan mula sa kamay ng mga bumitay sa tunay na mga bayani ng bayan.

    Pangalawa, pinaglaro ang aking diwa ng tauhang si Isabel, ang love interest ni Luna sa pelikula. Sino sa kasaysayan si Isabel?

    Dalawang babae mula dito sa ating rehiyon ang nagkaroon ng kaugnayan sa buhay ni Luna.

    Una, si Nicolasa Dayrit ng San Fernando, ang nag-aruga sa mga sugatan at may-sakit na mga rebolusyunaryo sa digmaang Pilipino- Amerikano, at nanguna sa mga kababaihang namagitan sa alitan nina Luna at Heneral Tomas Mascardo.

    Ito ay akmang naisalarawan sa Heneral Luna sa pamamagitan ng tauhang si Isabel.

    Pangalawa, si Ysidra Cojuangco ng Paniqui, Tarlac, na sinasabing kasintahan ni Luna at umano’y pinag-iwanan niya ng pondo ng himagsikan bago siya tumungong Cabanatuan kung saan siya nga’y pinatay.

    Sa isang eksena sa pelikula, nakapaniig ni Luna si Isabel isang gabing bilog at maliwanag ang buwan.

    Si Isabel ba ay composite character halaw kina Nicolasa at Ysidra para lamang sa dramatic effect?

    Anu’t ano pa man, mayroong mga hindi maitatatwang katotohanan ang Heneral Luna.

    Ito ay ang pagsasalarawan sa katauhang Pilipino mula sa mga pangungusap ng mga tauhan, bukod tangi ang heneral. Mga pangungusap na sumasalamin sa nakaraan ngunit kinababanaagan ng kasalukuyan.

    “Nasa ibang ulo ang utak ng inyong kapitan…” Wari ko’y nakatuon ito sa nakaupo sa Malakanyang.

    “Para kayong mga birheng naniniwala sa pag-ibig ng isang puta…” Tumatagos ito sa lahat ng antas ng mga Pilipino – mula sa mga sumasamba sa kapitalismo, sa mga biktima ng illegal recruitment, sa mga panatiko sa relihiyon, lalo’t higit sa mga bobotanteng bulag sa pandarambong ng itinataguyod na pulitiko.

    “Negosyo o kalayaan? Bayan o sarili?

    Pumili ka!” Una, sa una. Huli, sa huli. Ano pa nga ang pinipili?

    “Wala ba tayong karapatang mabuhay ng malaya?” Panaghoy ng mga Lumad ngayon.

    “Mas madali pang pagkasunduin ang langit at lupa kaysa dalawang Pilipino tungkol sa kahit na anong bagay.” Kanya-kanya. Watak-watak.

    Kaisipang-makasarili, kalakarang-tribo.

    Ganito ba talaga ang tadhana natin?

    Kalaban ang kalaban. Kalaban ang kakampi, nakakapagod.” Higit sa isang siglo, ganito na sila noon, ganito pa rin tayo ngayon.

    Ito ang Pilipino.

    “Handang magtapon ng dugo ang totoong makabayan. Hindi pagdurusa ang pagdaan sa napakatinding pasakit. Para kang tumanggap ng basbas, parang pag-ibig.”

    Ito si Heneral Luna. Ito si Bonifacio.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here