Home Headlines SSS, inaasahang magkakaroon ng 32M web transactions sa 2020

SSS, inaasahang magkakaroon ng 32M web transactions sa 2020

641
0
SHARE

Inaasahan ng Social Security System (SSS) na mas marami pang mga miyembro nito ang gagamit ng mga online platforms sa pakikipagtransaksyon sa ahensya na inaasahang aabot 32.3 milyong web transactions sa 2020.

Sinabi ni SSS President and Chief Executive Officer Aurora C. Ignacio na mas aayusin pa ng ahensya ang electronic service nito sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga transaksyon na maaaring gawin online at pararamihin pa ang mga paraan kung saan maaaring makapagbayad sa SSS.

“Tinatahak namin ang direksyon kung saan mas madali, mas mabilis, at mas accessible sa mga miyembro ang mga transaksyon sa SSS gamit ang makabagong teknolohiya. Nais naming siguruhin na sa pamamagitan ng digitalization ng aming mga pangunahing serbisyo, maihahatid namin ito sa aming mga miyembro sa simpleng pagpindot lamang sa kanilang cellphone o computer. Makatutulong ang electronic services ng SSS sa aming mga miyembro at pensyonado. Gamit ang mga electronic facilities, makatitipid ang SSS sa mga gastusin habang ang mga miyembro naman ay makapagtitipid naman sa ng kanilang oras, pera, at pagod,” sabi ni Ignacio sa isang press conference na ginanap kasabay ng selebrasyon ng ika-62 anibersaryo ng ahensya.

Batay sa datos ng SSS, simula Enero hanggang Hunyo 2019, sa kabuuang bilang na 37.16 milyong transaksyon, 26.63 milyon dito o 72 porsyento ay over-the-counter habang 10.54 milyon lamang o 28 porsyento ang nagawang transaksyon sa electronic channels.

“Alam namin na malaking hamon na hikayatin ang aming mga miyembro at pensyonado na tangkilikin ang self-service online facilities ng SSS. Umaasa kaming mahihikayat namin ang nakararaming miyembro na gamitin ang online facilities sa kanilang mga transakyon kaysa over-the-counter. Inaasahan namin na pagdating ng 2020 ay magiging triple na ang 10.54 milyong web transactions at magiging 32.2 milyon,” sabi ni Ignacio.

Ayon pa sa datos, sa kabuuang 14.95 milyong active paying members ng SSS mula Enero hanggang Hunyo 2019, 37 porsyento o 5.49 milyong indibidwal na miyembro lamang ang rehistrado sa website.

“Umaasa kaming tataas ang bilang na ito sa 8 milyon sa 2020 o madadagdagan ng humigit kumulang 3 milyong web-registered members,” dagdag ni Ignacio.

Sa kabilang banda, ang lahat ng 396,686 na aktibong employers ay nakarehistro sa SSS web facility mula Enero hanggang Hunyo 2019.

Sa kasalukuyan, mayroong anim na electronic channels ang SSS na magagamit ng mga miyembro at pensyonado. Ito ay ang mga sumusunod: (1) SSS Website – My.SSS, (2) SSS Mobile App, (3) Self-Service Express Terminal (SET), (4) Interactive Voice Response System (IVRS), (5) Text-SSS at (6) Contribution payments thru electronic channels.

“Tumaas ng 8 porsyento ang paggamit ng mga electronic facilities na ito na umabot ng 10.54 milyon kumpara sa unang semestre ng 2018. Umaasa kaming mas mapatataas pa ang numerong ito sa 2020,” sabi ni Ignacio.

Ayon pa kay Ignacio, nais ng SSS na tanggalin na ang paggamit ng mga tseke sa pagbabayad ng mga benepisyo sa pamamagitan ng transaksyon sa PESONet at thru-the-bank program. Binanggit din niya na parte ng paunang implementasyon ng digitalization, babaguhin ng SSS ang 33 branches at lalagyan ng mas pinalaking mga lugar para sa e-Center.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here