Sports Complex kailangan ba sa Angeles?

    557
    0
    SHARE
    Di ko sinasabing ang ganitong project
    Ay di kailangan sa lungsod ng Angeles,
    Pero kung uutangin lang din ang budget
    Di baleng wala na munang Sports Complex;

    Ya’y sa ganang aming sariling opinyon
    Kung wala rin namang pondo para roon;
    At di upang ating kalabanin itong
    May akda ng ipinasang resolusyon;

    Sabagay pupuede pa namang harangin
    Sa pamamagitan nitong pag-file mandin
    Ng TRO sa Court of Justice, sakaling
    Gugustuhin nina Cabigting at Sangil;

    Sa tulong ng ilang barangay official
    Na kagaya nina Kapitan Val Lagman,
    Barangay chair Macmac at ang iba pa r’yan
    Na tumututol din sa pagpapagawa n’yan.

    Ang daming marapat mabigyan ng pansin
    Bakit hindi ito ang inyong unahin?
    Gaya ng utang sa Kalangitan Landfill
    Ng city government at ibang gastusin.

    Na di kukulangin sa sixty five (65) millions
    At dapat bayaran sa takdang panahon;
    Kung di’y baka di na payagang magtapon
    Ng Capas, Tarlac ang inyong ‘dumptruck’ doon.

    At saka bukod sa mga bayaring yan
    Di ba’t may iba pang dapat paglaanan
    Ng malaking pondo, gaya ng ospital,
    At iba pang mga palingkurang bayan?

    Mas importante ba itong Sports Complex
    Kaysa ibang bagay dito sa Angeles?
    Gaya ng para sa kalusugan o “health”
    Na dapat unahin – at di ang interes

    O posibleng personal na ambisyon lang
    Ng ibang opisyal na ma-aambunan
    Sa pagpapagawa ng proyektong yan
    Kaya ito ang siyang iginigiit diyan?

    Na di lamang sampung milyon ang halaga
    Kundi baka yan ay magiging bilyon na
    Kapag ito’y naretoke at naplantsa
    Nitong matitinik sa matematika!

    Di ko sinasabing ang balak utangin
    Ay ibubulsa o lalagyan ng “padding,”
    Kundi paalala lamang itong atin
    Na di malayong mangyari kung sakaling,

    Maging amoroso o di makabayad
    Sa takdang panahon ang kaban ng siyudad,
    Bunsod ng posibleng walang iaakyat
    Na sapat na kita ang project na palpak!

    Kung ngayong hindi pa ganito kalaki
    Ang bayarin nila’t obligasyon pati
    Ay kinakapos na ang city treasury,
    Gasino pa kung ya’y halos maging triple?

    At kung kailangan talaga sa Angelex
    Ang isang moderno’t world class Sports Complex,
    Di ba’t mainam ang may sariling budget
    Kaysa mangutang ng perang may interes?

    Na kagaya nga po ng ating tinuran
    Ay malamang hanggang sa kaapu-apuan,
    Ng constituents ninyo’y may pagkakautang
    Ang City Hall bunsod ng mali n’yong hakbang?

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here