The Bunker, ang bagong kapitolyo ng Bataan. Contributed photo
LUNGSOD NG BALANGA — Sa Lunes, ika-11 ng Enero, ay walang pasok sa lahat ng antas ng paaralan at maging sa mga pribado at pampublikong tanggapan sa lalawigan ng Bataan.
Sinabi ni Gov. Albert Garcia na ito’y bilang paggunita sa ika-264 na taong pagkakatatag ng Bataan bilang isang lalawigan noong ika-11 ng Enero 1757.
Sa nakaraang dalawa o tatlong taon, sari-saring mga pagtatanghal ang ginaganap bilang selebrasyon ng foundation day ngunit sa Lunes ay tahimik na pagdiriwang lamang dahil sa pandemyang dulot ng coronavirus disease.
Nagsimulang gunitain ang nasabing araw bilang Bataan Foundation Day nang maghain ng panukala sina 1st District Rep. Geraldine Roman at 2nd District Rep. Jose Enrique Garcia III.
Ang panukala ay naging batas sa ilalim ng Republic Act 11138 na pinirmahan ni Pangulong Duterte noong 2018. Ito’y isang batas “declaring January 11 of every year as a special non-working holiday in Bataan to be known as Bataan Foundation Day.”
Batay sa mga tala, ang Bataan, na may total area ng 1,372.98 square kilometers, bago maging isang nagsasariling lalawigan ay sakop ng Pampanga.
Ang kabisera nito ay nananatiling Balanga na ngayon ay isang lungsod na.
Hinati ito sa dalawang distrito na ang first district ay binubuo ng Dinalupihan, Hermosa, Orani, Samal, Abucay, at Morong. Ang second district naman ay kinabibilangan ng Balanga City, Pilar, Orion, Limay, Mariveles, at Bagac.
May 237 barangay ang lalawigan na tinatayang may mahigit 700,000 ang population batay sa 2015 census. Ang dialect ay Tagalog ngunit may ilang nagsasalita ng Kapampangan at Sambal.
Ang silangang bahagi ng Bataan ay nakaharap sa Manila Bay na sagana sa mga lamang-dagat. Ang kanlurang bahagi ay nakaharap naman sa West Philippines Sea kung saan matatagpuan ang magagandang beach sa mga bayan ng Bagac at Morong.
Tanging ang Mariveles ang may bahaging nakaharap sa Manila Bay at sa West Philippines Sea.
Iginupo ng World War 11 ang lalawigan at naging bukang-bibig sa daigdig dahil sa kabayanihan ng mga Pilipino at Amerikanong lumaban sa mga Hapon at sumailalim sa kalunos-lunos na “Death March” matapos “bumagsak” ang Bataan noong ika-9 ng Abril 1942.
Matatagpuan ang Dambana ng Kagitingan kung saan may mahigit 90-metrong taas ng krus sa Mount Samat, Pilar kung saan nagkaroon ng matinding labanan bago “sumuko” ang Bataan. Ang bakas ng digmaan ay makikita sa iba’t ibang monumento sa lalawigan at sa mga Death March markers na nakahilera sa MacArthur Highway mula sa Bataan hanggang Pampanga.
Hindi nagtagal at bumangon ang Bataan sa pagkakalugmok dulot ng digmaan ng dalawang puwersa na nasangkot lamang ang Pilipinas.
Matatagpuan ang dating Bataan Export Processing Zone na ngayon ay Freeport Area of Bataan at GN Power Plant sa Mariveles. Sa Limay, naroon ang Petron Bataan Refinery, petrochemical plant, explosive plant, Department of National Defense Arsenal at iba pa.
May ecozone na sa Hermosa na tulad sa Mariveles ay nagbibigay ng maraming hanapbuhay.
Ang nag-iisang landlocked town sa lalawigan, ang Dinalupihan, ay patuloy ang pag-unlad na ang vision ni Mayor Maria Angela Garcia ay maging isang modelong agropolis sa central Luzon.
Sa larangan ng relihiyon, nangunguna ang Bataan sa mga pilgrimage sites na dinarayo ng maraming tao. Idineklara ni Bishop Ruperto Santos na 7 Pilgrim Churches ang mga matatandang simbahan sa Hermosa, Orani, Samal, Abucay, Balanga City, Pilar, at Orion.
Meron ding mga shrines sa Morong, Abucay, Hermosa, at Orani.