Nitong simula ng tag-ulan tinalakay natin ang gabundok na problema na pwedeng magmula sa pira-pirasong basura na hindi naitapon ng tama.
At makararaan ang hagupit ng habagat, tumambad na nga ang nakalululang dami ng basura na tila ginising ng nagragasang baha mula sa pagkakahimlay nito sa mga daluyang tubig, kanal, at estero.
Kung dati’y “eyesore” lang ito, ngayon panganib na sa buhay at kalusugan. Ang basura ay sanhi na ng paglala ng baha, dahil pinipigil nito ang malayang pagdaloy ng tubig na dagli sanang magpapahupa dito.
Maging mga bangkay ng mga nalunod sa baha, halos nailibing na sa mga bunton ng inanod na basura.
Kaya muli nananariwa ang usapin sa basura. Tone-toneladang basura ang naiwan sa paghupa ng tubig baha – sa pampang ng Manila Bay, Pasig River, Tullahan River, sa mga bahagi ng Kalookan, Malabon, Navotas, at Valenzuela, sa Tondo, Tagig, San Juan, at Mandaluyong, maging sa mga ilog ng San Mateo at Marikina, at sa palibot ng Laguna de Bay.
Sa mga pumping stations, basura, at hindi lang tubig baha, ang nahigop.
Ganoon din ang nakita natin sa Bulacan, Pampanga, Bataan, at karatig. Pinakamaraming basura kung saan maraming tao.
Maaalang nagbaga ang isyu ng basura noong 2001 nang tinutulan ng civil society sa Tarlac ang pagbukas sa Clark Special Economic Zone ng isang 100-hectare sanitary landfill, gawa sa teknolohiyang tuklas ng mga Aleman.
Sentro ng usapin ang pangamba sa posibleng pagdagsa ng basura sa Tarlac. Sakop ng lalawigan ang bahagi ng Clark kung saan naroon ngayon ang pasilidad.
Ayon sa CSEZ, ang pasilidad ay ginawa para sa mga Clark locators. Ngunit gagastos sila ng $40 bawat tonelada ng basura para sa tipping fees. May kalakihan nga naman ang magiging bayarin. Kaya naisip noon na hikayatin ng CSEZ ang ibang LGU na magtapon na rin ng basura sa Clark para lumiit ang gastusin.
Makaraan ang mga demonstrasyon lumamig din ang usapin nang kalauna’y nakumbinse ang Tarlac Provincial Board na payagan ang CSEZ na subukan ito, sa ilalim ng pagmo-monitor ng gobyerno, mga religious groups, at civil society.
Sa ngayon, may mga LGU sa Gitnang Luzon, hanggang sa Kalakhang Maynila, ang nagtatatapon ng basura sa Clark landfill.
Ngunit hindi tulad ng inasahan, hindi naging sagot ang pagkakaroon ng pasilidad sa Clark sa lumalaking problema sa basura sa mga karatig ng CSEZ, at maging sa Kalakhang Maynila.
Kailangan pa talaga ng pag-aaral para matukoy ang mga dahilan na nagpapalala sa problema.
Mainam din na ma-monitor ang compliance ng mga LGU sa Republic Act 9003 na nagbabawal sa open dump site at iba pang ilegal na paraan ng pagtapon ng basura.
Malaki ang posibilidad na kulang ang LGU compliance sa naturang batas. Idagdag pa ang patuloy na kawalan ng disiplina sa pagtapon ng basura, lalo na sa mga nakikita natin sa mga pook na hitik sa informal settlers – sa mga riles, tabing ilog, at mga dike.
May biruan pa nga, kailangan na ng pulis sa ilalim ng tulay para pigilan ang pagdami ng squatters dito.
Sa ating bansa, kalahati hanggang isang kilong basura ang tinatapon ng bawat tao bawat araw.
Kaunti ito kumpara sa Amerika, kung saan bawat tao ay nagtatapon ng dalawa hanggang dalawa’t-kalahating kilo ng basura bawat araw.
Ngunit mas kaunti man ang basura bawat tao sa bansa natin, delubyo pa rin ang katumbas kung patuloy ang marami sa pagpapabaya. Kaya sa palagay ko, kailangan ng malaki at agarang pagbabago sa ating lahat.
May mga paraan nang napatunayan para mabawasan ang basurang itatapon. Ito ay sa tulong ng 3-Rs: Reduce, Re-use, at Recycle. Dapat itong ipalaganap sa lebel ng mga barangay at sitio.
Maaaring gawing hanapbuhay sa mga barangay ang Materials Recovery Facilities (MRFs). Ipalaganap natin ang paghihiwalay ng mga basurang nabubulok sa hindi nabubulok.
Gumamit ng recycled na papel upang hindi maubos ang kakahuyan sa mga kagubatan. Mainam din ang produksyon ng mga supot mula sa biodegradable materials.
Maraming kuntil-butil na paraan na pwede nating pagtulung-tulungan para unti-unting luminis muli ang ating kapaligiran. Magiging kabawasan din ito sa problema sa lamok na pinag-uugatan ng nakamamatay na dengue.
Sa totoo lang, kaya nating ayusin ang problema sa basura kung mas marami sa atin ay iiwas na maging bahagi pa sa lalong paglala nito. Kung sa internet nasusunod ang “think before you click,” pwede rin sa basura ay “think before you throw.”