Solong anak, patay sa dengue sa Bataan

    359
    0
    SHARE
    HERMOSA, Bataan- Hindi namimili ng edad o kalagayan sa buhay ang mga lamok na nagdudulot ng nakamamatay na dengue. Isang manager ng pampasaherong mini-bus at kaisa-isang anak ang bagong biktima ng nakakatakot na dengue sa Hermosa, Bataan.

    Kinilala ni Dr. Francisco Hermoso, municipal health officer ng Hermosa, Bataan, ang biktima na si Ryan Gilbert Roque, 26, binata ng barangay A. Rivera, Hermosa, Bataan na binawian ng buhay noong Biyernes habang ginagamot sa Jose B. Lingad Memorial Hospital sa San Fernando, Pampanga.

    Si Ryan na nangangasiwa ng kanilang mini-bus ay kaisa-isang anak ng biyudang si Edith Roque.  Sinabi ng manggagamot na 25 na ang kaso ng dengue sa bayan ng Hermosa lamang at  si Roque ang kauna-unahang namatay sa Hermosa sa taong kasalukuyan.

    Ayon kay Edith, dumugo una ang ilong ng kanyang anak at nilagnat subalit paglipas ng isa o dalawang araw ay nawala  ang lagnat nito at dumaing naman na masakit ang tiyan. Nang magdugo uli ang ilong ay agad niyang isinugod si Ryan sa ICMC, isang private hospital sa Balanga City na ang mga manggagamot umano’y nagsabing positive sa dengue ang kanyang anak.

    Inilipat niya ang anak sa JBL Hospital sa San Fernando City  noong Miyerkules subalit pagsapit ng Biyernes ay binawian ito ng buhay dahil diumano sa hemorrhage na dulot ng dengue.

    Sinabi ni Dr. Hermoso na batay sa natatanggap niyang ulat mula sa Sentinel Monitoring Unit ng Provincial Health Office, halos 25 na ang  mga taong namatay sa sakit na dengue sa taong ito lamang sa Bataan

    Ang ilan sa mga nasawi sa dengue na binanggit ni Hermoso ay may mga edad na tatlo, walo, hanggang 21 taong gulang na nagmumula sa iba’t-ibang bayan ng Bataan tulad ng Limay, Dinalupihan, Mariveles, Orani at Morong.

    Ang mga namatay  na ito, aniya, ay kabilang sa 206 na kaso ng dengue na natala sa Bataan sa taong 2008. Noong isang taon umano ay 119 ang reported cases sa dengue sa buong lalawigan.

    Hindi naman, aniya,  sila nagpabaya at kaagad na nagsagawa ng search and destroy operations laban sa lamok na nagdudulot ng dengue. “Isolated case itong kay Roque at batay sa monitoring, wala pang epidemic ng dengue sa Bataan o maging sa Hermosa man,” sabi ni Dr. Hermoso.

    Ilan sa mga nagkasakit o pamilya ng nagkasakit ng dengue sa barangay A. Rivera ang nagsabing una silang gininaw, sumakit ang ulo at nilagnat at bumaba ang kanilang blood platelet.  Na sumunod na nawala ang kanilang lagnat at humalili naman ang pananakit ng tiyan at ang iba’y pagsusuka.

    Sinabi ni Cecilia Layug, ina ng isang batang 10 taong gulang na nagkasakit ng dengue subalit pinalad na makaligtas, na dapat maging aware sa kapaligiran ang lahat.  Sa pagsusuri umano ng mga health officials sa A. Rivera ay nakakita ng mga kiti-kiti sa mga bao ng niyog na itinapon lamang kung saan-saan.

    Pinayuhan pa niya ang ibang mga magulang na huwag balewalain ang lagnat ng mga anak at agad itong ipasuri upang maagapan ang nakamamatay na dengue.

    Ayon naman kay Paquito Datu, barangay Kapitan ng A. Rivera, na tatlong araw na silang nagbobomba sa loob at labas ng lahat ng bahay sa kanilang lugal. “Walo na ang tinamaan ng dengue at isa na ang namatay sa aming barangay na ikinagugulat namin sapagka’t ngayon lamang nangyari ito kung kailan kami  hindi binaha,” sabi ng kapitan.

    Itinuturing na ang A. Rivera sa Hermosa ang may  pinakamaraming kaso ng dengue na ayon sa kapitan ay “isang disaster” kaya nananawagan siya na sana’y matulungan sila ng mga nasa pamahalaan dahil kinakapos na raw sila sa gamot upang malabanan ang dengue.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here