Home Headlines SOBA matagumpay na naidaos

SOBA matagumpay na naidaos

643
0
SHARE
Sta. Lucia, Samal punong barangay Ruperto “Hector” Forbes. Kuha ni barangay secretary Seng Amado

SAMAL, Bataan — Matagumpay na naidaos nitong Miyerkules ng hapon ang State of the Barangay Address (SOBA) sa Sta. Lucia, isa sa 14 na barangay ng bayang ito, na ginanap sa tapat ng barangay hall.

Ang SOBA ni punong barangay Ruperto “Hector” Forbes ay may temang “Barangayanihan: Barangay at Mamamayan Sama-Sama sa Pagtataguyod ng Bayanihan Tungo sa Mas Ligtas at Maunlad na Pamayanan.”

Ang ulat ay tumalakay sa mga accomplishment ng barangay para sa second semester ng 2022 na may kinalaman sa peace and order, problema sa droga, basura, pangangalaga sa mga bata, disaster, Covid-19, mga bagong ordinansa, at iba pa.

Sinabi ni Forbes na aktibo ang barangay peace and order council at patuloy ang kanilang paghimok sa mamamayan ng lubos na pakikiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan at katiwasayan sa komunidad.

“Nananawagan ako sa lahat ng magulang na sinupin ang kanilang mga menor de edad na anak upang hindi sila maglisaw sa lansangan gabi man o araw at malayo sa disgrasya,” anang punong barangay.

Ang barangay anti-drug abuse council naman, aniya, ay patuloy sa pagkakaroon ng monthly meeting upang talakayin kung gaano kasama at kahirap ang mabiktima ng ipinagbabawal na gamot. Ang Sta. Lucia ay idineklarang drug-cleared barangay ng pulisya at nais nilang patuloy na manatili ito. 

Patuloy umanong sumusuporta ang kanyang mga kabarangay sa ordinansa tungkol sa  pagpapanatili ng waste segregation ng nabubulok at hindi nabubulok na basura sa ilalim ng solid waste management program.

Bumuo rin, aniya, ang barangay council ng ordinansa tungkol sa maayos na pagsinop sa mga alagang aso, pusa at iba pang hayop. 

Kamakailan lamang ay nagkaroon umano ng seminar upang lalo pang maisaayos ang mga kapakanan para sa kabataan, mula pa lamang sa pagbubuntis ng ina hanggang sa makapanganak.

Habang lumalaki ang bata ay dapat, aniyang, maibigay ng pamahalaan kung ano ang karapatan nito bilang bata. Patuloy, sabi ni Forbes, ang kanilang paalaala sa mga magulang na hindi lamang ang pamahalaan ang may tungkulin sa pangangalaga sa bata kundi nakasalalay ang malaking obligasyon sa mga magulang. 

Sa disaster naman ay iniikutan umano ng mga barangay officials ang buong nasasakupan bago dumating, pagdating at pagkatapos ng bagyo. Nito lamang, aniyang, bagyong Paeng at mga nagdaang bagyo ay aktibo at walang tulugan sila sa pagbabantay kung anoman ang mangyayari. 

Tinalakay din ni Forbes ang ilang mga ordinansa na kanilang ipinasa tungo sa ligtas at maayos na pamayanan.

Mas pinalawak at pinahigpit umano ng barangay ang kampanya laban sa Covid-19 sa pamamag-itan ng patuloy na pagpapaalaala sa kahalagahan ng bakuna at pagsunod sa mga safety protocol. Hinimok nila, ani Forbes, ang mga kabarangay na magpa-booster. 

Batay sa record ng barangay, marami naman ang nagpabakuna ngunit patuloy na hinihimok ni Forbes at ng mga kagawad na sumailalim sa bakuna ang iba pang hindi nakatanggap nito. 

Natulungan din umano ng barangay ang ilang magsasaka. Namigay din ang barangay ng binhi ng talong. 

Pinasalamatan ni Forbes si Samal Mayor Alexander Acuzar, 1st District Rep. Geraldine Roman at Partylist Pusong Pinoy Rep. Jett Nisay sa mga tulong sa barangay at umaasa umano siya na maitatayo na sa susunod na taon ang kanilang barangay hall. 

Pinasalamatan din ni Forbes ang mga barangay kagawad, mga barangay health workers sa pangunguna ni midwife Lolita Poblete, mga barangay tanod at ibang mga opisyal ng barangay ganoon din ang pulisya, Bureau of Fire Protection, municipal local government officer at iba pa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here