SM North Edsa babaguhin, Sky Garden inilunsad

    4141
    0
    SHARE
    QUEZON CITY—Aabot sa P2 bilyon ang halagang nakatakdang gugulin ng SM Prime Holdings para sa renobasyon sa 25-taong gusali ng SM North Edsa at iyon ay inaasahang matatapos sa susunod na taon.

    Ito ang ipinahayag ni Hans Sy, presidente ng SM Prime Holdings, sa mga mamamahayag na dumalo sa press briefing noong Lunes kaugnay ng paglulunsad ng Sky Garden ng nasabing mall na ginugulan ng P600 milyon.

    “We will redo the main building and will give it a totally different look similar to the Block,” ani Sy, isa sa mga anak ni Henry Sy, ang nagtatag at nagtayo ng mga SM mall chain sa bansa at Tsina.

    Ayon sa batang Sy, kasama sa P2 bilyong gugulin para sa renobasyon ng 25- taong main building ng SM North Edsa ang P600 milyong ginugol sa Sky Garden.

    Ang renobasyon ng main building, aniya ay tugon ng SM Prime sa pangangailangan ng mga mamimili nila.

    Ayon kay Annie Garcia, president ng SM Supermalls, umaabot na sa 450,000 square meters ang gross leasable area ng SM North Edsa dahil sa natapos na ang Sky Garden na nag-uugnay sa mga gusali ng main, annex at the Block.

    Ang sukat na ito ay higit na mas malaki sa 408,000 square meters na gross leasable area ng SM Mall of Asia,ang itinuturing na pinakamalaking mall sa Asya.

    Ayon kay Garcia magsasagawa sila ng ibat-ibang gawain sa 1,500 seater na Sky Dome katulad ng mga konsiyerto kung saan ay mag-iimbita sila ng mga baguhan at beteranong singers.

    Hinggil naman sa occupancy rate ng SM North Edsa, sinabi ni Garcia na iyon ay umaabot sa 98 porsyento, kaya patuloy ang pag-angat ng kanilang benta o sales.

    Sinabi naman ni Jeffrey Lim, executive vice president and chief financial officer of SM Prime, na umabot sa 13 porsiyento ang naging kontribusyon ng SM North Edsa sa kabuuang benta ng SM supermalls.

    Gayunpaman, umabot lamang sa limang porsiyento ang itinaas ng benta ng nasabing mall.

    Ipinaliwanag naman ni Sy na hindi kumpetisyong hatid ng Trinoma Mall ang sanhi ng limang posiyentong sales increase ng SM North Edsa.

    Sa halip, sinabi niya na iyon ay sanhi ng renobasyon sa SM Annex na nagsimula noong nakaraang taon.

    “We welcome the competitions and we believe it also works for us because it makes us strive to be the best,” pahayag pa ni Sy.

    Matapos naman ang press briefing, ipinasyal ng mga opisyal ng SM Supermalls ang mga mamamahayag kabilang ang mga nagmula  sa Gitnang Luzon.

    Ipinakita ng mga opisyal sa mga mamamahayag ang pasilidad ng Sky Garden na ang nakakatulad ay naka-angat na hardin.

    Mayroon itong mga halaman na may mga sculpture, dumadaloy na tubig na tinaguriang flowing river, mayroon ding talon o waterfall.

    Ang mga daang nilalakaran sa Sky Garden na nag-uugnay sa mga gusali ng SM annex, main building at the Block ay may sukob.

    Ito ay inaasahan dadayuhin ng mga taon para sa kakaibang karanasan sa pamamasyal, bukod pa dito, ang mga tindahan o café sa Sky Garden ay mananatiling bukas hanggang hatinggabi.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here