SK dapat nang buwagin

    811
    0
    SHARE

    Ang isyu hinggil sa mungkahing buwagin
    na ng Commission on Election ang SK,
    ay kinakailangan nang ya’y madaliin
    upang sa material time ay di kapusin

    Itong kung sino riyan na dapat tumutok
    para mapadali ang dapat iayos
    nang sa ganoon ay maagang matapos
    ang mga hakbanging marapat masunod.

    Total kumbaga sa isang kasangkapan
    ang SK ay di na lubhang makailangan,
    Kaya ano’t di pa nga i-abolish yan
    upang  makabawas sa gastusing bayan?

    Di pa ba sapat ang isang Sanggunian
    upang harapin ang mga bagay-bagay
    na kahalintulad ng dapat gampanan
    ng SK para sa iisang barangay?

    (O ng SK chairman sa naturang punto
    at magkarun pati ng Kagawad ito;
    Liban sa Kalihim at iba pang puesto,
    na dagdag pasanin lamang sa gobyerno?)

    Di ko ninanasa na makapanakit
    ng kalooban sa bagay na nabanggit,
    pero tunay naman ding nasa matuwid
    at tama lang itong ating ninanais?

    Kasi nga, may mga SB na ang bawat baryo
    na silang marapat na umasikaso
    sa anumang bagay para sa kabaryo?
    Kaya kasobraan lang ang isang ito;

    Na wala rin naman ding gaanong silbi
    ang karamihan sa SK na nasabi;
    Kata nga’t marahil mas makabubuti
    ang i-abolish na (rin ang SB pati?)

    Na wala rin namang silbi itong iba
    sa puntong ang tunay na tungkulin nila
    para sa barangay di batid sa tuwina;
    O sadyang wala namang alam talaga?

    Kundi maghintay lang sa buwanang sahod
    o ‘honorarium’ na bagama’t karampot,
    yan sa kabuoan ay ‘millions of pesos’
    din naman kapagka ito ay tinuos.

    Na dapat matipid ng ating gobyerno
    kapag in-abolish ang dalawang ito;
    At mga Konsehal na ng bayan mismo
    ang pahawakan sa mga baryo-baryo.
     
    Eh bakit sa ibang maunlad na bansa,
    gaya na lamang sa State halimbawa;
    At sa parting Europe – kahit sila’y wala
    ng tulad sa atin asensadong lubha?

    Sa totoo lang ay ‘immigrant’ din naman
    si ‘yours truly’ kaya masasabi niyang
    sa panahon ng kanyang paninirahan
    diyan sa U.S. ay wala silang ganyan

    Pero maayos ang takbo ng gobyerno
    at di maproblemang katulad ng dito,
    na kahit bata ay alam na kung ano
    ang pakinabang ng mga pulitiko.

    Kasi imbes sila’y maimulat natin
    sa mabuti at marangal na gawain,
    ay pagkasanay sa hindi mabubuting
    ehemplo ang sa isip n’yan matatamin.

    Pagkat kung ano nakita ng bata
    na ginagawa ng mga matatanda
    ay siyang gagawin din n’yan kaipala,
    kasi yan ang TAMA sa kanyang AKALA!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here