PULITIKA. Posibleng humabol ng konsehal ang anak ni Congressman Carmelo Lazatin na si Pogi Lazatin sa lungsod ng Angeles dahil dito siya nagparehistro sa Comelec kamakailan.
Ang kapatid naman ni Councilor Willy Rivera na si Amos ay hahabol din. Si Blueboy naman ay kunwari lang na hahabol ng congressman sa unang distrito laban kay Tarzan at Vice Governor Yeng Guiao. Malamang na hindi narin siya humabol pa ng alkalde dahil sa nakaambang kaso na electoral sabotage laban sa kanya.
Ibig sabihin, may alas na hawak si Mayor Edgardo Pamituan. Si Mayor Oca naman ay hindi hahabol ng governor.
Lalabanan niya si Congressman Dong Gonzales sa ikatlong distrito ng Pampanga. Kamakailan lamang ay napahiya si Cong. Dong dahil wala itong nakuhang suporta mula sa ibang mga kongresista sa kanyang inihaing resolusyon na dapat tigilan na umano ng mga TV producers ang pagtypecast at pagbibigay ng role na kontrabida sa mga mambabatas.
Nagbibigay umano ito ng negatibong at impresyon at persepsyon sa mga tao na masasama ang mga kongresista. Para sa akin naman, depende sa mambabatas.
Bakit ka aaray kung wala ka namang sugat diba? Pero mahirap talaga pag kontrabida ka.
qqq
SISTEMA. Nakita naming mga mamamahayag kung papaano mamuno at magtrabaho si Gob. Lilia Pineda.
Halos maghapong nakikinig at nakikipagusap sa mga humihingi ng tulong. Hindi rin siya tumitigil sa pagdalo sa mga ibat ibang mga pulong maging sa loob at labas ng lalawigan. Siya’y agaran ding tumutugon sa bawat hinaing ng kanyang mga nasasakupan.
Hindi lang siguro kami ang nakasaksi nito, kundi pati narin ang ibat ibang mga opisyales at manggagawa sa kapitolyo, lokal na pamahalaan at barangay.
Kanyang ibinibigay ang pangangailangan ng mga mahihirap na Kapampangan: libreng paospital at gamot, pagpapaaral sa kolehiyo, pagtulong sa mga magsasaka, pagpapa-opera at iba pang mga tulong pinansiyal sa ibat ibang sector at mga grupo, peke man o hindi.
Kasama narin dito ang pagsasaayos ng mga district hospitals, paghanap ng mga solusyon sa problema sa basura, pagsasaayos at pagpapatayo ng mga paaralan, at marami pang iba.
Hindi nga lang talaga maaalis ang mga abusado na pati ang panggastos sa kanilang kaarawan ay inihihingi rin kay Gob. Pineda. Sa madaling sabi, dadaan sa butas ng karayom ang lalaban sa kanya sa 2013 o maging
sa 2016.
Totoo na mahirap pantayan ang nagawa at “naitanim” niya sa lalawigan, ngunit makabubuti na habang mayroon siyang pagkakataong mamuno ay makagawa siya ng sistema, sa tulong ng mga bokal ng ibat ibang distrito sa Pampanga, na maging tuloy-tuloy, maayos at epektibo ang mga programa gamit ang pondo ng kapitolyo.
Isang sistema na simple, madali, naiintindihan at angkop para sa mga tao. Dumating man ang pagkakataon na kahit hindi na gobernador si Pineda ay ipatutupad parin ito lalo na at naisabatas ng sangguniang panlalawigan.
Mahalaga kasi na masigurado ang kaukulang pondo ng ibat ibang mga departamento o dibisyon na nagpapatupad ng mga programa ng pamahalaang panlalawigan.
Sa pamamagitan din nito ay maiiwasan ang red tape sa gobyerno, magiging mabilis ang pagbibigay ng kaukulang serbisyo at malalaman agad ng mga tao kung ang isang gobernador ay nagnanakaw o hindi.
Kapag nangyari at naipatupad, isa ito sa mga iiwanang pamana (legacy) ni Pineda sa mga Kapampangan.
Sakali namang hindi ito magawa, natatakot ang marami na mula sa humigit kumulang na P1 milyong kita kada araw mula sa quarry ay mabalik ito sa P10 milyong kita sa loob ng tatlong taon. Nangyari ito sa panahon ni dating gobernador Lito Lapid at ng kanyang anak na si Mark.
qqq
MAKA-KALIKASAN. Bawal na ang plastic sa Bulacan. Sana pati narin sa Pampanga at sa Lungsod ng Angeles.
qqq
CLARK PARIN. Kahit 10 terminal pa ang idagdag sa Ninoy Aquino International Airport ay hindi na madadagdagan ang runway nito.
Ilang beses na akong sumakay sa NAIA lalo na sa terminal 3 kung saan nandoon ang flights ng Cebu Pacific.
Lagi na lamang delayed ang mga flights, kung hindi naman, isang oras na maghihintay ang eroplano bago lumipad dahil as hinihintay pang lumapag ang isang eroplano.
Noong minsan naman ay 15 minuto kaming nasa ere at hindi makalapag dahil sa dami ng iba pang mga eroplanong lumalapag.
Samantalang kung sa Clark International Airport (CIA) ay kahit dalawang eroplano ang sabay na lumapag, kasabay ng dalawa pang lilipad ay pupuwede dahil sa luwang at haba ng mga runway.
Hindi rin lumulubog ang runway ng CIA kahit gaano pa kalakas ang ulan hindi kagaya sa NAIA.
Hindi natin alam baka may balak pang ipaconvert ni DOTC Sec. Mar Roxas ang mga eroplano na maging mga submarine bago gawing premier airport ng bansa ang CIA.