Home Headlines Single mom pinatay, hinihinalang ginahasa pa ng dating kasintahan

Single mom pinatay, hinihinalang ginahasa pa ng dating kasintahan

1576
0
SHARE

Ang larawan ng biktimang si Regine Sebastian na kasalukuyang nakaburol sa kanilang tahanan sa Barangay Calumpang. Photo courtesy Jhen Sebastian


 

SAN MIGUEL, Bulacan — Pinatay sa sakal at pinaghinihinalaang ginahasa at pinagnakawan pa ng dating kasintahan nito ang isang ginang sa Barangay Calumpang dito.

Ang biktima na kinilala ng San Miguel police na si Regine Sebastian y Mariano, 30, single mom, at isang negosyante ay natagpuang patay ng kanyang mga kaanak nitong Linggo ng hapon sa loob ng kwarto.

Nakapulupot pa sa leeg nito ang charger cord nang matagpuan, may damit pero walang underwear at puro pasa ang buong katawan.

Ang suspek ay kinilala naman na si Kerwin Cabigting alyas Pipoy na agad na inaresto ng kapulisan matapos itong ituro ng sampung taong gulang na anak ng biktima na nakasaksi mismo sa krimen.

Ayon aa ulat ng pulisya, nasaksihan ng anak ng biktima ang pagtatalo ng dalawa sa loob ng kwarto at nakita pa ng bata na nasa ibabaw ng biktima si Cabigting habang sinasakal ito gamit ang kurdon ng charger.

Ayon kay Jhen Sebastian, kapatid ng biktima, sa takot daw ng kanyang pamangkin na patayin din siya ni Cabigting ay nagtalukbong ito ng kumot at nagkunwari na tulog.

Ayon pa sa kapatid ng biktima, pilit na nakikipagbalikan si Cabigting kay Regine ngunit ayaw na dito ng kanyang kapatid.

Nawawala din daw ang mga alahas ng biktima na nasa kabuuang halaga na P350,000 na tinangay umano ng suspek.

Ayon naman kay Col. Jordan Santiago, hepe ng San Miguel Police, nahaharap sa kasong murder ang suspek habang hinihintay pa nila ang laboratory result para makumpirma ang anggulo ng panggagahasa sa biktima.

Samantala, tumanggi na ang suspek na magbigay ng panig hinggil sa naturang krimen.

Ayon naman kay San Miguel Mayor Roderick Tiongson, sa pamamagitan ng social worker ay bibigyan nila ng counselling ang 10-gulang na anak na lalake ng biktima na nakasaksi ng nasabing krimen.

Ani Tiongson, naganap ang insidente ng panggagahasa at pagpatay sa selebrasyon ng kaarawan ng nasabing bata.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here