LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Isinusulong ng pamahalaang lungsod at National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang isang tourism package kung saan lilibot sa mga makasaysayang pook sa Malolos gamit ang mga sinaunang sistema ng transportasyon.
Ayon kay City of Malolos Arts, Culture, Tourism and Sports Office Focal at Project Coordinator Jose Roly Marcelino, sinusubukan at kinokonsidera nila ang iba’t ibang pamamaraan upang ganap na mapalakas ang mga atraksiyon sa mga turista.
Kaya’t sa nakalipas na mga panahon, sinubukan ang paggamit ng karwaheng hinahatak ng kabayo noong 2011, mga dyip na karatig simula 2015 at electric tricycle na mula sa Department of Energy noong 2019.
Tampok naman ngayong 2024 ang paggamit sa 1950s Heritage Bus ng Victory Liner sa pagdadala ng mga turista sa mga pangunahing makasaysayang lugar gaya ng simbahan ng Barasoain, Katedral-Basilika ng Malolos, Casa Real de Malolos at ang simbahan ng Sta. Isabel, na pawang nagkaroon ng malaking papel sa pagkakatatag ng Unang Republika ng Pilipinas.
Ang naturang heritage bus ay kabilang sa iilan na mga orihinal na modelo ng nasabing kumpanya ng bus na isinailalim kamakailan sa restorasyon.
Ipinaliwanag pa ni Marcelino na ang bagong partnership na ito ay pagsuporta ng pamahalaang lungsod sa “The Philippine Experience Program” ng Department of Tourism (DOT).
Sa loob ng konseptong ito, hindi lamang ipinapasyal ang mga turista kundi ipaparanas ang paraan ng transportasyon na minsang umiral sa isang lugar.
Sinasalamin aniya ng heritage bus na ito sa pagiging payak na pamumuhay noon at determinasyon ng henerasyon noong dekada 50 sa paghahanapbuhay.
Kaugnay nito, sinabi naman ni NHCP Senior Curator Jose Ruel Paguiligan na akmang-akman ang ginawang restorasyon sa bus na ito na minsang nadaan sa bahaging ito ng Malolos noong panahon na wala pa ang North Diversion Road na kilala ngayon bilang North Luzon Expressway.
Taong 1950s nang bumiyahe ang ganitong modelo ng Victory Liner na biyaheng Olongapo-Caloocan na dumadaan sa kahabaan ng MacArthur Highway.
Mula sa pagiging isang truck na nagdedeliber ng mga paninda sa Divisoria, sinimulang makisakay ng mga tao kaya’t tuluyan nang naging bus na limitado lamang noong makalipas ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Samantala, planong muling gamitin ang heritage bus na ito sa susunod na Fiesta Republika sa Enero 2025. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)