SAMAL, Bataan — Nagsimula na ang Simbang Gabi sa mga simbahan ng Iglesia Filipina Independiente o Aglipay Church at ng Catholic Church tulad na lamang sa bayang ito Martes ng gabi.
Ang unang Simbang Gabi sa tinatawag na Anticipated Mass ay nagsimula ng alas-8 ng gabi sa Aglipay Church samantalang alas-7 naman ng gabi sa Catholic Church.
Gaganapin ang Anticipated Mass sa loob ng siyam na araw tuwing alas-8 ng gabi sa Aglipay at tuwing alas-7 ng gabi sa Katoliko.
Ang regular na Simbang Gabi na magsisimula ng Miyerkules at magtatapos din sa loob ng siyam na araw ay tuwing alas-4 ng umaga sa Aglipay Church at 4:30 naman ng umaga sa Catholic Church.
Pinangunahan ni Fr. Roderick Miranda, IFI–Samal parish priest, ang Misa. Sa kanyang homily, binigyang-diin ng butihing pari na ang Simbang Gabi ay naglalarawan ng debosyon at mahalaga sa mananampalataya. Marami umanong nananabik na mabuo ang siyam na gabi.
Medyo naiiba, aniya, ang Simbang Gabi ngayon hindi tulad ng mga nakaraan na dagsa ang mga tao sa simbahan.
Kailangan ngayon, ani Miranda, ng ibayong pag-iingat dahil sa pandemyang dulot ng coronavirus disease sapagka’t mahalaga ng buhay.
May pagitan sa mga upuan ang mga nagsisimba na malinaw na pagsunod sa physical distancing. May nakahandang alcohol sa pasukan ng simbahan.
Sa katabing Catholic Church ay patuloy ang pagbomba ng disinfectant sa loob at labas ng simbahan matapos ang 7 p.m. Mass na ginagawa umano tuwing matatapos ang Misa.
Sa Aglipay Church ay nagkakaroon din umano ng disinfection matapos ang bawat Misa bilang paghahanda sa susunod na Misa sa madaling-araw.
Bagama’t alas-8 pa lamang ng gabi ay tahimik na tahimik ang paligid. Halos walang ingay na maririnig sa kapaligiran na ibang-iba sa mga nagdaang simbang gabi.