Simula ng kampanya makulay sa Bataan

    431
    0
    SHARE

    SAMAL, Bataan – Makulay ang pagsisimula ng unang araw ng campaign period ng magkakalabang local officials sa Bataan noong Sabado de Gloria at Easter Sunday na ginanap sa Samal, Bataan.

    Sa pamamagitan ng mahabang motorcade at umaatungal na mga loud speakers, inikot noong Sabado ng bando ni Vice Mayor Manny Cortez, kandidato sa pagka-mayor, ang 14 na barangay ng Samal.

    Kasama ni Cortez ang kanyang vice mayoral candidate at pitong kandidato sa pagka-konsehal sa ilalim ng United Nationalist Alliance.

    Sumama rin sa grupo ni Cortez sina Dinalupihan Mayor Joel Payumo na humahabol sa pagka-gubernador, lawyer Jay Consunji bilang vice-governor, former BCDA chairman Felicito Payumo na kandididato sa pagka-congressman ng first district.

    Nandoon din ang tennis champion at negosyanteng si Tonito Payumo, anak ni Chairman Payumo, isa sa mga kandidato para board member sa first district.

    Nagtapos ang motorcade sa plaza ng Samal bandang alas-3 ng hapon kung saan nagpakawala ng mga kalapati. Pagkatapos, naglakad ang mga kandidato kasama ang maraming masasayang supporters mula barangay Santa Lucia hanggang sa barangay Sapa sa Samal pa rin.

    Kawayan, kamayan sa bawat grupo ng mga taong nadaraanan ang grupo nina Cortez, Consunji at Payumo.

    Noong Linggo ng hapon ay nagsagawa naman ng mahabang motorcade ang bando ni re-electionist Samal Mayor Generosa dele Fuentes sa ilalim ng Liberal Party.

    Walang hinto sa pagkaway sina re-electionist provincial Board member Teri Onor, Aries Gaza at Gaudencio Ferrer ng unang distrito. Nandoon din ang isa pang kandidato sa provincial board na si Rolando Tigas.

    Napasayaw ang mga residente sa gilid ng kalsada sa saliw ng campaign jingle habang dumaraan si re-electionist Vice-Gov. Efren Pascual, Jr.

    Panay ang kaway at umiindak pa si re-electionist Rep. Herminia Roman ng first district. Magkatabi naman sa isang sasakyan sina dela Fuente at Rep. Albert Garcia ng second district na tumatakbong gubernador bilang kapalit ng kanyang amang si Gov. Enrique Garcia na humahabol namang congressman sa puwestong iiwan ng batang Garcia.

    Napag-alaman na ang kaalyado naman ng mga Payumo na si dating Gov. Leonardo Roman, kandidato sa pagka-congressman ng second district, ay nag-motorcade na rin noong Linggo ng umaga kasama ang pitong kandidato sa provincial board.

    Kasama ni Roman sina Joel Payumo at Jay Consunji, mga kandidato sa pagka-gubernador at bise-gubernador.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here