Home Headlines Tanging pabaon

Tanging pabaon

525
0
SHARE

MAY MGA Bible versions na naglalagay ng pamagat sa mga kuwento, pangaral, at
mga talinghaga sa mga ebanghelyo. Katulad ng binasa natin ngayon. Ang
nakalagay na title ay “ANG MAYAMANG HANGAL.” Sa ingles, “The Rich Fool.”
May problema daw itong mayamang magsasaka. Punong-puno na daw ang
kamalig niya ng mga sako-sakong trigo, sobrang dami pa ng inani niyang bago.

Sabi niya, “Ano kaya ang gagawin ko? Wala na akong mapaglagyan ng ani ko.
Alam ko na! Gigibain ko ang mga bodega ko at magpapagawa ako ng mas malaki,
at doon ko ilalagay ang ani at mga ari-arian ko. At dahil marami na akong naipon
para sa maraming taon, magpapahinga na lang ako, kakain, iinom at
magpapakaligaya!’” Monologue ang tawag sa ganitong usap. Wala siyang kausap
kundi sarili. Mukhang lahat ng meron siya para sa sarili lang niya talaga. Kino-
congratulate niya ang sarili niya dahil successful siya sa business niya.
Ngunit ganito daw ang sinabi sa kanya ng Dios, “Hangal! Kung ngayong gabi
mismo ay babawiin ko sa iyo ang buhay mo, kanino mapupunta ang lahat ng
inipon mo PARA SA IYONG SARILI?” At sa dulo ibibigay ng manunulat ang moral ng
kuwento: “Ganyan ang mangyayari sa taong NAGPAPAYAMAN SA SARILI NGUNIT
NANANATILING DUKHA SA PANINGIN NG DIYOS.”

Parang ganitong-ganito rin ang sinasabi ng isang linya sa Book of Revelations. Sa
sulat sa mga taga-Laodicea, ang sabi niya: “Sinasabi ninyo na mayaman kayo,
sagana sa lahat ng bagay at wala nang pangangailangan. Ngunit hindi nʼyo alam
na kaawa-awa kayo dahil DUKHA KAYO SA PANANAMPALATAYA, BULAG SA
KATOTOHANAN, AT HUBAD SA PANINGIN NG DIYOS.”

Sa mga tinatawag na “Wisdom Literature” sa Bibliya, katulad ng Ecclesiastes, ang
ating unang pagbasa, isa sa mga paboritong tema ay ang pagkukumpara sa mga
Marunong at Hangal. Parang ganito rin ang tono ng Revelations 3, 17. Sabi pa ng
awtor, “Kaya pinapayuhan ko kayong bumili sa akin ng gintong dinalisay sa apoy
upang maging totoong mayaman kayo. Bumili rin kayo sa akin ng puting damit
upang matakpan ang nakakahiya ninyong kahubaran, at pati na rin ng gamot sa
mata upang makita ninyo ang katotohanan.”

Ibig sabihin, ang mga taong walang ibang itinuturing na kayamanan dito sa mundo
kundi ang mga materyal na bagay, ay mga hangal o mangmang. Ganito rin ang
pahayag na narinig natin sa ating first reading mula sa simula ng Book of Ecclesiastes: “WALANG KABULUHAN! WALANG KABULUHAN ANG LAHAT.” (Ecc
1:2)

Sobra naman yata ito! Nasabi ko minsan sa sarili ko nang first time kong marinig
ang linyang ito. Parang napaka-cynical at negatibo. Paano ba nasama sa Bibliya o
mga Banal na Kasulatan ito? Lahat daw ng bagay ay walang kabuluhan. Edi wala
ding kabuluhan ang mabuhay? Later ko na nalaman na hindi naman ganito ang
ibig niyang sabihin. Nagpapaalala lang ang awtor na lahat ng bagay sa mundo ay
lumilipas. At kapag kumapit ka sa kahit na ano dito sa mundo na para bang iyun
na ang lahat sa iyo, pag nawala iyon, edi wala na ring kabuluhan ang buhay mo?
Kasi nga, tinuring mong lahat.

Ang solusyon ng mayaman sa ebanghelyo natin ay “Kumain, uminom at
magpapakaligaya!” Ewan ko lang ma-eenjoy niyang mag-isa ang kayamanan niya.
Itong linyang ito ay galing din kay Propeta Isaias 22:14. Pero kalahati lang ng linya
ang binanggit ng hangal na mayaman. Ang dapat na kasunod nito ay; “DAHIL
BUKAS AY MAMAMATAY KA.” Kaya tinawag siyang hangal ay dahil nakalimutan
niyang ilagay sa lugar ang kanyang pagpapakaligaya—na may katapusan, may
kamatayan, wala kang dadalhin sa hukay o sa kabilang buhay.

Oo, magpakaligaya dito sa mundo pero sa paraang hindi nakalilimot na ang lahat
ng meron tayo ay lilipas, pati sariling buhay natin. Kaya nga tayo tinuturuang
hangarin ang hindi lumilipas, ang kaharian ng Diyos. Na sana ito ang maging gabay
natin sa paggamit sa mga bagay na lumilipas. Kahangalan nga naman na ituring na
parang diyos-diyosan ang mga materyal na kayamanan o mga ari-arian. Sinabi ito
ni San Pablo sa second reading: na ang kasakiman ay “katumbas na rin ng
pagsamba sa mga diyos-diyosan.”

May kanta si Aiza Seguerra na magandang paalala: “Kung ang lahat ay may
katapusan

Itong paglalakbay ay makakarating
Din sa paroroonan
At sa iyong paglisan
Ang tanging pabaon ko ay pag-ibig.”
Ito lang daw ang pwedeng ipabaon sa lumilisan. Kaya siguro kahit si San Pablo
nasabi niya, “Pag-ibig lamang ang mananatili magpakailanman.”

Ito ang turo ng ating pananampalatayang Kristiyano. Mas magaan ang ating
pagtakbo dito sa mundo kung wala tayong gaanong bitbit o mga pabigat. Sabi nga
ng isa pang kanta, “Ang mabuhay sa pag-ibig ay pagbibigay, na di nagtatantiya ng
halaga. At hindi naghihintay ng kapalit; pagbibigay walang pasubali. Naibigay ko nang lahat, magaan akong tumatakbo, Dukha man ako sa lahat, dukha man ako sa
lahat. Ang tangi kong yaman ay mabuhay sa pag-ibig.”

(Homiliya Para sa Ika-18 Linggo ng Karaniwang Panahon, 31 ng Hulyo 2022, Lk
12:13-21)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here