Home Opinion Shepherd’s Call: Batong bumubukol

Shepherd’s Call: Batong bumubukol

596
0
SHARE

NARANASAN NA ba ninyo ang makinig sa ebanghelyo o sa homily ng pari at
pakiramdam mo parang tinamaan ka ng Salita ng Diyos? Di ba may kasabihan tayo
sa Tagalog, “Bato bato sa langit, ang tamaa’y huwag magagalit.”? Minsan sa isang
recollection, binago nang kaunti ni Bishop Ted Bacani ang kasabihang ito: “Bato
bato sa langit, ang tamaa’y mabukulan sana.” Panalangin daw iyon ng mga paring
may pinatatamaan sa homiliya pero madalas hindi naman umeepekto. Hindi
bumubukol.
Kung minsan daw, lalapit pa nga iyung taong pinatatamaan at sasabihin sa pari,
“Father, ang galing ng homily ninyo. Ang daming tinamaan!” Hindi niya alam, siya
pala ang pinatatamaan. Failure talaga si Father.
Tatlong parables ang narinig natin sa ebanghelyo. Pero sa introduction, sa first
two verses, doon mo malalaman na may pinatatamaan pala si Hesus sa tatlong
kuwento niya: ang mga eskriba at pariseo. Kasi, nagbububulung-bulungan daw sila
dahil nakikisalo si Hesus sa mga tinuturing nilang makasalanan sa lipunan. Kaya
ikinuwento niya ang tatlong talinghaga.
Sa tatlong kuwento, may ibinibigay na mathematical problem si Hesus. Isang
pastol, meron daw siyang 100 na tupa, nawala ang isa, ilan ang iuuwi niya? E di
99. Ganyan din sa pangalawang kuwento: isang babae, meron daw siyang 10
salaping pilak, nawala ang isa, ilan pa ang natira? E di 9. At sa pangatlong
kuwento, may isang ama, may 2 anak siyang lalaki, naligaw ng landas ang 1. Ilan
ang natira? E di 1. Ganyan ang mathematics ng tao. Pero iba ang mathematics ng
Diyos; ito ang punto ni Hesus.
Sa unang kuwento, importanteng tandaan na ang mga pastol noong mga
panahong iyon ay tagapangalaga lamang ng kawan. Hindi sila ang nagmamay-ari
sa mga tupa. Kapag pinagkatiwalaan ang isang pastol ng 100 na tupa, hindi siya
pwedeng bumalik na 99 lang ang kasama. Kailangan niyang hanapin ang
nawawala dahil pananagutan niya ito. Kapag hindi 100 ang iuuwi niya,
mawawalan siya ng trabaho. 100 minus 1 equals 0. Hindi basta tatanggapin ng
may-ari ang pagkawala ng kahit na isa.
Sa ikalawang kuwento, ang sampung salaping pilak ay nakakabit sa belo ng
ikakasal, parang dekorasyon sa palibot ng mukha niya. Pamana ito ng mga
naunang henerasyon ng mga babae sa pamilya niya. Kapag nawala ang isang

salaping pilak, bungi na ang belo, hindi na ito pwedeng ipamana. Wala nang
kuwenta. Ni hindi pwedeng palitan ng bago ang nawawala. 10 minus 1 equals 0.
At sa ikatlong kuwento, ang dalawang anak na lalaki ay parehong mahal ng ama.
Hindi lubos ang kaligayahan niya bilang ama, hangga’t hindi bumabalik ang anak
niyang naliligaw ng landas, at hindi pa siya napapatawad o natatanggap na muli
ng kanyang kapatid.
Noong bata pa ako sa pagkapari, napahiya ako nang lumapit at humingi ng payo
ang isang inang hindi mapayapa ang loob dahil sa isa sa apat na anak niya ay
naging drug addict. Sinabi ko sa kanya na parang pakunswelo, “At least may tatlo
pa kayong mga anak na mababait at responsable.” Sabi ba naman niya sa akin,
“Salamat na lang ho. Siguro kaya ganyan kayong magsalita ay dahil wala naman
kayong sariling anak. Hindi ninyo alam ang damdamin ng isang magulang.”
Bakit angkop ang mga kuwentong ito sa pyestang Santa Cruz? Dahil ang krus ay
tungkol sa mathematics ng Diyos. Hindi niya basta iiwan, o pababayaan o
tatanggapin ang pagkawala ng kahit na isa sa mga anak niya. Ewan ko ba kung
saan nanggaling ang sobrang pagkatakot natin sa parusa ng Diyos. Na para bang
napakasigasig niya na itapon tayo sa impyerno kapag tayo’y nagkasala o naligaw
ng landas.
Ang krus ay tungkol sa Diyos na handang magdusa at mamatay, handang bumaba
ng impyerno para atin. Sabi nga niya sa John 14, “Sa bahay ng aking ama ay
maraming silid. Maluwag, may lugar para sa lahat.” Hindi totoo na iilan lang ang
mga papapasukin niya. Hindi totoo na ang pag-ibig niya ay para lamang sa mga
banal, mabait, at karapat-dapat.
Madali naman talaga ang magmahal ng mga mababait at karapat-dapat. Ang
tunay na hamon ay ang magmahal pa rin kahit pa ang minamahal ay pasaway,
walang utang na loob o naliligaw ng landas. Dahil siya ay Diyos na lubos kung
magmahal, gagawin niya ang lahat ng kailangang gawin upang mailigtas niya ang
lahat ng minamahal niya, kahit ipagdusa pa niya. Maraming beses ko nang nasabi
sa inyo, ang sinisimbolo ng krus para sa atin ay hindi kamatayan kundi buhay,
hindi kasalanan kundi patawad, hindi pagkamuhi kundi pagibig na walang
kundisyon, hindi pagdurusa kundi pag-aalay ng buhay bilang pantubos sa
minamahal.
(Homiliya para sa Ika-24 Linggo ng Karaniwang Panahon, 11 Setyembre 2022, Luk
15:1-32)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here