Madadagdagan ng 47,000 ang mga senior citizens na tatanggap ng P500 buwanang pension mula sa gobyerno simula 2013.
Magandang balita ito sa hanay ng mga elderly na magdaraos ng Senior Citizens Month sa Oktubre.
Ang social pension program para sa katandaan ay bahagi ng Republic Act 9994, o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010, na nagtakda ng karagdagan pang benepisyo para sa katandaan.
Nauna na ang ilang benepisyo tulad ng 20% diskwento sa gamot, hotel, restaurant, at pamasahe, at 5% sa ilang bilihin sa grocery.
Sa ngayon po, batay na rin sa pagtutukoy ng mga social welfare units, tumatanggap ang 185,194 bilang ng senior citizens ng P500 pension kada buwan.
Sila ay yaong mga edad 77 patanda, sakitin, may kapansanan, walang pinagkakakitaan o suporta sa pamilya, at hindi tumatanggap ng anumang benepisyo mula sa pribado o gobyerno.
Sa pagtatalakay sa Kongreso ng 2013 budget, iminungkahi ang karagdagang P1.54 bilyon para sa pension ng mga senior citizens. Ito ay magmumula sa P56.2 bilyon proposed DSWD 2013 budget.
Sa P1.52 bilyong dagdag pondo para sa pension ng katandaan, madaragdagan ng 47,000, 0 ng 20% sa bilang, kaya aabot na sa 232,868 mula 185,914 ang mga senior citizens na tatanggap P500 buwanang benepisyo simula 2013.
Ang maganda pa rito, posibleng bumata pa sa edad 77 ng pwedeng tumanggap ng P500 pension. At, kapag pinatupad ito, wala nang bawian. Magiging tuloy-tuloy na ang programa.
Ang pagtutukoy sa mga katandaan na mabibigyan ng pension ay batay din sa National Household Targeting System for Poverty Reduction ng DSWD, ang pambansang poverty database.
Samantala, pinapahalagahan din ng gobyerno ang sariling pagsisikap ng mga LGU at kani-kanilang hanay ng katandaan sa pagtutuklas pa ng mga paraan upang lalong matugunan ang lumalaking pangangailangan sa elderly health care.
Tulad ng naging ehemplo ng tulungan ng katandaan sa Tarlac City at ng pamahalaang panlalawigan dito.
Kinilala ng DSWD Region 3 bilang modelong proyekto ang Tarlac City Senior Citizens Physical Therapy Clinic na nakapagbigay ng libreng rehabilitasyon sa kanilang katandaan mula 2002 hanggang 2006. Nagsagawa rin sila ng lingguhang MEDCAP doon eksklusibo sa katandaan.
Natugunan ang rehabilitasyon ng mga katandaang dumanas ng “stroke,” gayun din ang dumaing ng arthritis, gout, at mga katulad na karamdaman. Ang bonus ng proyekto, araw-araw naging bukas ang SC center dahil sa pagiskedyul ng mga pasyente.
Hindi na nagtayo ng bagong gusali para sa PT clinic. Pinadisenyo ni Dr. Isaac Kliatchko Sr., dating pangulo ng senior citizens sa Gitnang Luzon, ang kanyang opisina sa Tarlac City SC center upang pwede ring maging PT clinic.
Ini-sponsor ni dating board member Nikko Nisce, bilang Committee chair ng Elderly, at inayudahan din ng noon ay dating congressman at ngayon Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III. Tumulong din ang media.
Hindi kalakihan ang kinailangang pondo sa pagsimula at operasyon nito at naging kauna-unahang senior citizen PT clinic sa bansa.
Bumili ng isang ultra-sound PT machine sa halagang P25,000, at ang ibang kagamitan. Isang licensed physical therapist ang itinalaga sa center, kasama ang dalawang PT volunteer.
Isa pang bonus ng proyekto, kinilala ang naitatag na PT clinic bilang training facility para sa mga nais maging OFW care-giver. Tatlong PT volunteer na nagserbisyo doon ay mga care-giver na ngayon sa United Kingdom. Maaari pa itong ipagpatuloy at isagawa rin sa ibang LGU.
Pwede rin ang Public-Private Partnerships (PPP). Marami pribadong doctor ang naghahandog ng community service. Pwedeng buksan ang libo-libong senior citizen centers sa bansa para sa PPP-MEDCAPs.
Maaari ring bigyan ng iskedyul sa mga senior citizen centers ang dumaraming PT at nursing graduates na nagtatrabaho sa ibang larangan sa mga LGU.
Maaasahan din ang tulong ng media sa pagpapaigting ng adbokasiya para sa katandaan.
Umasa po tayo na bawat taon, madaragdan ang senior citizens na tatanggap ng pension mula sa gobyerno na bukod sa pagpapahalaga sa maka-Pilipinong kultura ng pagkilala at pagrespeto sa katandaan, nais ding ibahagi ng administrasyon ang unti-unting nagiging bunga ng pagtahak nito sa tuwid na daan.
Mano po!