DINALUPIHAN, Bataan- Isang malawak na sementeryo sa bayang ito ang bawal nang paglibingan at sa halip ay ipinaaalis na ang mga buto ng mga nakalibing tulad na lamang ng ginawa ng isang pamilya noong Miyerkules, ilang araw bago sumapit ang undas.
Ang dating Catholic cemetery sa Barangay Kataasan ay madawag, mabaging at nayuyungyungan ng malalaking kahoy tulad ng malaki at matandang acacia malapit sa lumang gate na may nakasulat na “Bawal ng maglibing dito”.
Ang sementeryo ay nasa harap lamang ng maraming kabahayan sa Kataasan at kitang-kita ang mga nitsong may laman at wala ng laman. Ayon kay Napoleon Abando ng Balsik, Hermosa, Bataan, napilitan silang ialis na ang mga buto ng kanyang ama at kapatid sapagka’t may bumubutas na sa mga nitso at ninanakaw ang anumang pagkakakitaan.
“Dahil sa problemang financial kaya ngayon lamang namin ililipat ang mga buto sa Dinalupihan Memorial Park,” sabi ni Abando. Inilibing sa lumang sementeryo ang kapatid ni Abando noong 1956 samantalang ang ama naman niya ay noong 1979. Inaanay na ang mga labi, sabi ng naghuhukay ng buto.
Sinabi ni Violeta Pituenas, barangay kapitan ng Kataasan noong 1985, na ang sementeryo ay pag-aari ng Simbahang Katoliko. “Gagawin daw itong parke, aayusin kaya gaganda itong lugar namin,” sabi ng dating kapitan na ang bahay ay nasa harap ng libingan.
Sinabi naman ni Fernando San Diego, sepulturero ng katabing Dinalupihan public cemetery, na maraming nakikiusap sa kanya na bigyan sila ng lugar para sa buto ng kanilang kaanak dahil sa kahirapan. “Kahit sa maliit na box lamang basta libre ay nakikiusap ang mga kaanak na mailagay ang buto ng kanilang mahal sa buhay,” sabi ng sepulturero.
Tinatayang mahigit 80 taon na ang sementeryo na may sukat na lima hanggang anim na ektarya. May 20,000 tao umano ang nailibing dito at halos 500 pa ang hindi naililipat. Pinagbawalan na ang paglilibing anim na taon na ang nakakaraan dahil bumaho umano matapos gawing tapunan ng mga patay na hayop at basurahan ang sementeryo.