LUNGSOD NG CABANATUAN – Iniimbestigahan ngayon ng pulisya ang pagkamatay ng isang security guard sa isang paaralan sa lungsod na ito nitong Huwebes.
Sa ulat ng Cabanatuan City police station, ang biktima ay nakilalang Florian Moreno, 32, binata at kawani ng JF Security Agency na nakatalaga sa Midway Maritime Foundation, Inc., sa Maharalika Highway, Barangay Bitas ng lungsod na ito.
Ayon kay Supt. Ricardo Villanueva, hepe ng provincial intelligence and investigation branch (PIIB) ng Nueva Ecija police provincial office (NEPPO), hinihinalang aksidenteng pumutok ang kal. 9mm na pistola ng biktima bandang alas-4:00 ng madaling araw ngunit masusi pa rin itong iniimbestigahan ng mga operatiba mula sa scene of the crime operation (SOCO).
Batay saa inisyal na imbestigasyon, nasa administration building ng MMFI umano ang biktima ng may marinig na putok ng baril ang ilang di-pinangalanang mga tao sa paligid.
Nadatnan si Moreno na may tama ng bala sa kanang hita na tumagos sa kanyang dibdib samantalang ang kanyang baril ay natagpuan sa kanyang tabi.
Ayon kay Villanueva, isinugod sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center hospital sa lungsod na ito si Moreno ngunit binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas.