Epekto ng SC flip-flopping sa mga lungsod

    475
    0
    SHARE

    PGKM: ‘Oust Luciano!’ ang aming banner story noong Martes.

    Maliban sa isyu ng pagbebenta umano ng bakal, pagkawala ng mga kable sa taxiway sa runway ng paliparan, pagkawala o pagkatigil ng mga flights ng Spirit of Manila, Zest Air, Asian Spirit at iba pang mga biyahe papuntang Middle East at New Zealand, ngayon nama’y ang pangungutang sa Land Bank ng P1-billion para umano sa mga expansion operations ng terminal na wala namang ipinapakitang plano.

    Sa katunayan, ang mga ginawang tubes na kasama sa P360-milyong expansion project ng nasabing terminal ay nagagamit at sumeserbisyo lamang sa isang eroplano tuwing gabi.

    Ayon sa mga ulat, ang nasabing proyekto ay hindi natapos sa takdang panahon at hindi parin ito lubos na gawa nang ito’y pinasinayaan. Maging ang ibang mga kontraktor ay hindi pa nababayaran hanggang sa ngayon.

    Nagtatanong din ang madaming mga Pilipino lalo na ang mga overseas Filipino workers (OFWs) kung bakit napakataas ng terminal fee sa Clark International Airport (CIA) samantalang wala naman silang nakikitang malaking pagbabago (o improvement) loob at labas nito. 

    Kung sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay P550 ang singil, sa Clark International Airport ay P600.  

    qqq

    May panahon pa para bumaba sa pwesto si Mr. Victor Jose Luciano bilang pangulo at CEO ng Clark International Airport. Malapad at maluwang ang daan palabas ng paliparan.

    qqq

    Malaking kawalan sa lahat ng miyembro ng League of Cities of the Philippines (LCP) ang “flip-flopping decision ng Supreme Court na maging lungsod ang 16 na bayan na hindi naman kwalipikadong maging lungsod.

    Kung titignan ang bawat pondong nakalaan sa mga opisina at mga dibisyon ng mayor’s office, makikita kaagad ang pagkabawas nito. Apektado lahat ng operasyon, mga serbsiyo at sahod ng mga manggagawa ng lokal na pamahalaan.

    Mula halimbawa sa P5-million na pondo noong 2011 ay naging P4.5-million na lamang ngayong 2012 dahil sa nabawasan ang Internal Revenue Allotment (IRA) ng lokal na pamahalaan.

    Tiyak na madaming masasakripisyong mga programa at posibleng magbawas din ng manggagawa ang isang opisina dahil sa P.5-million kaagad ang nawala dito.

    Tandaan na sa P4.5-million na pondo ay kasama na dito ang per diem, gas allowance at pangsweldo sa mga manggagawa ng isang opisina o dibisyon ng isang local government unit.

    Ayon kay City Administrator Dennis Albert “Noy” Pamintuan, humigit-kumulang sa P54-million ang nawala sa IRA ng Lungsod ng Angeles sa taong ito at aminado siya na apektado ang buong operasyon ng LGU.

    Ang mahirap aniya ay hindi ito madaling habulin dahil hindi naman nagtaas ng singil sa mga business permits o sa ibang mga taxes na sinisingil ng lokal na pamahalaan.

    Maliban sa Angeles, ang Lungsod ng San Fernando ay nawalan naman ng P49.8-million. Sinabi ni City Administrator Fer Caylao na kinailangan nilang magbawas ng mga manggagawa sa city hall at ipagpaliban ang ibang mga proyekto na sana’y maraming mga Fernandino ang nakinabang.

    Kung pagsasamahin ang P49.8-million at P54-million, ilang mga mahihirap na mag-aaral na sana ang nabigyan ng scholarships nito.

    Wala pa dito ang mga ilaw sa lansangan, silid-aralan, gamot, daan at gusali, at mga programang pangkabuhayan. Pati mga maliliit na kagamitang kailangan sa bawat opisina ng LGU ay posibleng mangabawasan din dahil dito.

    Ang mga programang pampalakasan kagaya ng mga inoorganisang mga kumpetisyon at palaro ay apektado din, kasama na ang mga incentives, grants and donations sa mga sports clubs, iba pang mga organisasyon at mga atleta.

    Kung apektado ang LGU, siguradong apektado din ang mga nasasakupang barangay nito.

    Para naman kay Mayor Oca Rodriguez, ang pangulo ng LCP, hindi sila tutol na maging isang lungsod ang isang bayan o municipalidad kung ito ay talagang handa at kwalipikado ng maging lungsod kagaya ng Mabalacat.

    Ang 16 na bayan na ngayo’y mga lungsod na ay ang mga sumusunod: Baybay, Leyte; Bogo, Cebu; Catbalogan, Samar; Tandag, Surigao del Sur; Borongan, Eastern Samar; Tayabas, Quezon; Lamitan, Basilan; Tabuk, Kalinga; Bayugan, Agusan del Sur; Batac, Ilocos Norte; Mati, Davao Oriental; Guihulngan, Negros Oriental; Cabadbaran, Agusan del Norte; Carcar, Cebu; El Salvador, Misamis Oriental; at Naga, Cebu.

    Isa man sa mga ito ay hindi kwalipikadong maging lungsod ngunit pinaboran ng mga mahistrado ng Korte Suprema sa pangunguna ni Chief Justice Renato Corona.

    Suhol sa hatol? Kayo na ang bahalang humatol.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here