School watch teams binuo kontra dengue

    379
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS—Tiniyak ng pamahalaan panglalawigan ng Bulacan ang kaligtasan ng mga batang mag-aaral laban sa dengue sa pagbuo ng mga grupo sa bawat paaralan sa lalawigan.

    Ito ay kaugnay ng paggunita sa Asean Dengue Day noong Biyernes na isinagawa sa Lungsod ng San Jose Del Monte kung saan ay kinilala ang epektibong kampanya ng lalawigan sa laban sa nakamamatay na sakit na hatid ng lamok.

    Ayon kay Dra Joy Gomez, hepe ng Provincial Public Health Office (PPHO), ang ang mga kasapi ng Dengue School Watch Team (DSWT) ang magsisipagbantay sa mga kaso ng dengue sa bawat paaralan sa lalawigan.

    Sila rin ang mag-uulat kung sino ang magkakasakit sa paaralan at maging sa mga barangay upang malapatan agad ng lunas.

    Bukod dito, pangungunahan din ng mga kasapi ng DSWT ang kampanya laban sa dengue sa pamamagitan ng paglilinis at pagsira sa maaaring pangitlugan ng mga lamok.

    Ayon pa kay Gomez ang mga kasapi ng DWST ang maungunguna rin sa pamamahagi ng impormasyon para sa higit na mataas na antas ng pagkakaunawa sa sakit na hatid nito.

    Ang mga kasapi ng DWST ay binubuo ng mga punong guro, mga kasapi ng Parents’ Teachers and Community Association (PTCA) at maging mga mag-aaral na opisyal ng student council.

    “Sa ibang lalawigan, bumuo sila ng mga Barangay Dengue Brigade, pero sa Bulacan mas nakatutok tayo sa mga paaralan,” ani Gomez.

    Ipinaliwanag niya na ito ay dahil sa mahigit na kalahati sa naitalang bilang ng biktima ng dengue sa lalawigan ay mga kabataang may edad isa hanggang 18 taong gulang o mga mag-aaral.

    Batay sa tala ng PPHO, umabot sa mahigit 1,700 na kaso ng dengue ang naitala nila sa lalawigan mula Enero hanggang Hunyo noong nakaraang taon.

    Ito ay bumaba sa 1,588 sa katulad na panahon sa taong ito.

    Ngunit noong nakaraang taon, anim ang inulatt na namatay sa dengue sa lalawigan mula Enro hanggang Hunyo, kumpara sa isa sa katulad na panahon sa taong ito.

    “Mataas pa rin ang kaso ng dengue sa Bulacan, pero mataas din ang survival rate natin o ang mga gumaling sa sakit na dengue,”ni Gomez.

    Sa pagbuo ng mga DSWT sa mga paaralan sa 569 na barangay sa lalawigan, sinabi niya na higit na mapapaigting ang kampanya laban sa naturang sakit.

    Kaugnay nito, sinabi ni Provincial Administrator Jim Valerio na patuloy pa rin ang kampanya sa kalinisan sa Bulacan laban sa dengue.

    Nilinaw niya na naniniwala ang kapitolyo na ang pinakamabisang paraan ng paglaban sa dengue ay ang kalikisan.

    “Kung magpapatuloy tayo sa paglilinis sa mga posibleng pangitlugan ng lamok, makatitityak tayong mapupuksa ang lamok na may dengue,” ani Valerio.

    Iginiit pa niya na ang paglilinis sa kapaligiran ay responsibilidad ng bawat mamamayan.

    Gayundin ang naging pahayag ni Gob. Wilhelmino Alvarado sa kanyang lingguhang palatuntunan sa DWSS Radio noong Sabado, Hunyo 30.

    “Kailangan walang hinto ang paglaban, dapat ay laging alert tayo sa sintomas”,” ani ng punong lalawigan.

    Ipinaalala rin niya na ang pamahalaang panlalawigan ay patuloy na nagbibigay ng libreng gamot at hospitalisasyon sa mga nagkakasakit ng dengue.

    Bukod dito, ipinagmalaki rin ni Alvarado ang Bulacan Blood Bank kung saan ay maaaring makakuha ng dugo para sa mga nagkasakit ng dengue na nangangailangang masalinan nito.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here