Bulacan modelo ng mga lalawigan laban sa dengue

    312
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS—Kinilala ang epektibong kampanya ng Bulacan laban sa dengue bilang modelo sa mga lalawigan ng bansa kaugnay ng paggunita sa Asean Dengue Day nitong Biyernes, Hunyo 29.

    Sa hanay ng mga lungsod, nagsilbing modelo ang Lungsod ng San Fernando sa Pampanga, samantalang ang Kalakhang Maynila ang modelo sa mga rehiyon.

    Ayon kay Dr. Joy Gomez, hepe ng Bulacan Provincial Public Health Office (PPHO), isa sa tinukoy ng Department of Health (DOH) ay ang matagumpay na kampanya ng Bulacan sa pamamahagi ng impormasyon laban sa dengue, at ang mataas na bilang ng gumaling mula sa sakit na dengue.

    Ayon sa PPHO, umabot sa mahigit 1,700 na kaso ng dengue ang naitala nila sa lalawigan mula Enero hanggang Hunyo noong nakaraang taon, kung kailan ay anim ang namatay.

    Ito ay bumaba sa 1,588 sa katulad na panahon sa taong ito, at isa lamang ang naiulat na namatay.

    Bulacan became a model for provinces on anti-dengue campaign because of good health governance led by Governor Alvarado,” ani Gomez.

    Ayon naman sa punong lalawigan, ang Bulacan ay nahahanay sa mga lalawigan ng Pampanga at Nueva Ecija na nakapagtala ng mataas na kaso ng dengue.

    Ngunit ang Bulacan ang may pinakamataas na bilang ng gumaling sa kinatatakutang sakit.

    Ilan sa mga dahilang binanggit ni Alvarado ay ang pagbibigay ng pamahalaang panlalawigan ng libreng gamot at hospitalisasyon sa mga nagkasakit ng dengue, mula noong ikalawang bahagi ng 2010.

    Ayon kay Alvarado, sa mga nagdaang taon, mataas ang bilang ng namamatay sa dengue sa lalawigan at karaniwan sa mga ito ay mga bata dahil sa nangangamba ang magulang sa gagastusin sa pagpapagamot.

    Ngunit nang buksan niya ang libreng pagpapagamot sa nagkasakit ng dengue, bumaba ang bilang ng namamatay.

    Ito ay dahil na rin sa kapag nakaramdam ng sintomas ng dengue ang mga nagkakasakit ay agad na silang kumukonsulta sa doctor.

    Binigyan diin niya na ang mga pagamutang pampubliko sa lalawigan katulad ng Bulacan Medical Center ay handa na gamutin ang mga may dengue bukod pa sa may sapat na mga gamot doon.

    Bukod dito, maaari ding magtungo ang mga Bulakenyo sa mga district hospital na matatagpuan sa mga bayan ng Hagonoy, Calumpit, Bulakan, Baliuag, San Miguel at Sta. Maria.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here