SAMAL, Bataan: Patuloy ang pagdaraos ng Santacruzan sa Bataan tulad na lamang sa Barangay Sta. Lucia sa bayang ito nitong Linggo.
Matalim ang sikat ng araw bagama’t hapon na ngunit hindi ito alintana ng mga batang sagala ganoon din ang ibang mga kalahok na dalaga at dalagita at Reyna Elena na masasaya at palangiti.
Nasa isang karo na napapalamuitan ng mga bulaklak ang isang maliit na krus na tampok sa Santacruzan.
Upang maibsan ng init, panay ang paypay ng mga kaanak sa bawat sagala na suot ang naggagandahan at mahahabang mga gown.
Panay naman ang malakas na tugtugin mula sa sound system ng mga sasakyan na may kasunod na mga babae at lalake na walang hinto sa yugyugan.
Umikot ang Santacruzan sa lahat ng sityo ng Samal at ilang karatig na barangay.
Punong abala sa Santacruzan si Aida Siasat, butihing maybahay ng namayapang World War II veteran Luis Siasat.(30)