Home Headlines Samal umaasa sa national gov’t sa Covid vaccines

Samal umaasa sa national gov’t sa Covid vaccines

566
0
SHARE

Samal Mayor Aida Macalinao. Kuha ni Ernie Esconde



SAMAL, Bataan
Dahil sa kakulangan sa pondo, ang pamahalaang pambayan dito ay umaasa ng tulong sa national government at maaaring sa provincial government kaugnay ng libreng vaccination program laban sa coronavirus disease.

Umapila si Mayor Aida Macalinao ngayong Martes kay Pangulong Duterte: “Nananawagan kami sa mahal nating Presidente na ideretsong ibagsak na sa local government units ang mga vaccines para at least maimplement namin ng maayos at hindi magkaroon ng delay ang vaccination program.

“Kung ako ang tatanungin kung halimbawa may pondo kami na sobra, ibibigay natin yan sa pagbili ng vaccines kaya gumagawa tayo ng paraan na makahanap ng pondo para mabigyan ng vaccine ang ating mga kababayang mahihirap lalo na ang mga naghahanapbuhay sa labas, sabi ni Macalinao.

Ilan sa kanilang mga priority sa pagbabakuna laban sa Covid19 ay mga tricycle drivers, tindera sa public market at iba pang nagtatrabaho araw-araw.

Inamin ng mayor na wala silang sapat na pondo sapagka’t ang budget nila ay inilaan sa implementation ng primary health care project kung saan ang bawat residente ng Samal ay benepisyaryo ng libreng gamot sa halagang P2,000 sa isang taon.

Pinag-uusapan umano nila ng sangguniang bayan sa pangunguna ni Vice Mayor June Espino ang vaccination program kung sakaling may matanggap silang sapat na halaga upang mamili ng vaccines.

“Kung may pera, vaccines ang magiging priority pero kailangan maging tiyak kami at maging sapat kasi hindi naman pwedeng magpartial agad kung hindi naman namin matatapos ang programa sa libreng vaccine, sabi ni Macalinao.

May nangako, anang mayor, sa kanya na tutulong sa pagbili ng vaccines pero hindi muna niya babanggitin ang pangalan dahil marami pang dapat gawin. “Gusto namin maayos muna kung paano paghawak, pag-iimplement at kung saan bibili ng vaccines, sabi ni Macalinao.

Sa kung nakahanda na ang listahan ng mga benepisyaryo ng bakuna, sinabi ng mayor na tiyak na inaasikaso na ito ni Dr. Cristina Espino, hepe ng Samal health center.

Kung may tumututol ba na magpabakuna laban sa Covid-19, hindi pa, aniya, sila nakakapagtanong sa mga barangay officials.

Magdasal tayo sa Panginoon na sana mapagkalooban tayo ng national government ng maraming bakuna at tumulong sa atin upang maimplementa ang free vaccination program o murang bakuna para sa ating mga kababayan. At sana maging mahigpit sa pagbabantay tungkol sa health protocol, panawagan ni Macalinao.

Ang Samal ay isang agricultural town na binubuo ng 14 na barangay. May annual revenue ito ng mahigit P120 million na ang mula sa Internal Revenue Allotment ay P110 million. Ang iba nitong kita ay galing sa business at building permit, clearances at Sta. Catalina Homes.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here