Home Headlines Samahang sibiko at kabataan nagtanim ng 1,000 mangrove propagule sa baybayin ng Macabebe 

Samahang sibiko at kabataan nagtanim ng 1,000 mangrove propagule sa baybayin ng Macabebe 

603
0
SHARE

MACABEBE, Pampanga — Bilang bahagi ng kampanya para sa pangangalaga ng kalikasan at pagpapalakas ng katatagan ng mga baybayin, isinakatuparan ng Kaya Natin Youth – Macabebe, katuwang ang Rotary Club of San Juan Supreme, ang isang mangrove planting activity Barangay Consuleo sa bayanng ito nitong Abril 26.

Ang Rotary Club of San Juan Supreme ay isang samahan na aktibong tumutulong sa mga youth-led at community-based initiatives na nabibilang sa 7 Areas of Focus at kabilang dito ang mga proyektong pangkalikasan.

Ang lunan ng pagtatanim ay isa sa mga lugar na bulnerable sa pagbaha at coastal erosion. Sa mga nakaraang taon, madalas makaranas ang Macabebe at Masantol ng matinding pagbaha dulot ng pagtaas ng tubig, na nakaapekto sa mga tahanan at kabuhayan ng mga residente. Mahalaga ang mangroves sa ganitong mga lugar dahil nagsisilbi ang mga ito bilang natural na panangga at tumutulong magpahina ng alon at bawasan ang epekto ng pagbaha.

Sa pakikipagtulungan ng LGU Macabebe, Samahang Makakalikasan ng Pampanga, Project Lusong ng Masantol, Angat Pampanga, at iba pang school-based organizations, matagumpay na nakapagtanim ng 1,000 mangrove seedlings sa baybaying bahagi ng komunidad ang mahigit sa 100 volunteers na nakiisa sa aktibidad.

Bago ang pagtatanim, nagsagawa noong Abril 19 ng isang “Biyaheng Mayaluntiang” o community orientation upang ipaliwanag sa mga residente ang kahalagahan ng mangroves bilang natural na panangga laban sa erosion, tahanan ng lamang-dagat, at mahalagang bahagi ng ecosystem na tumutulong sa pag-absorb ng carbon. Binigyang-diin din ang pagpapanatiling malinis at walang basura sa mga baybaying lugar upang masigurong lalago at magtatagal ang mga ito.

“Ang pagtatanim ng mangrove ay hindi lang para sa kalikasan, kundi para sa seguridad ng ating komunidad. Kapag pinangalagaan natin ito, mas napoprotektahan natin ang mga tahanan at kabuhayan ng mga taga-Macabebe at Masantol,” ani Luis Magat, executive director ng Kaya Natin Youth – Macabebe.

Samantala, binigyang-diin din ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos mula sa iba’t ibang sektor.

“Malaki ang papel ng pakikipagtulungan ng mga organisasyon at ng komunidad mismo. Sa pamamagitan ng mga ganitong inisyatiba, mas napapalakas natin ang kamalayan at aksyon para sa pangangalaga ng ating kapaligiran. Kami sa Rotary Club of San Juan Supreme ay patuloy na isusulong ang pakikipagtulungan upang mas mapalawak ang epekto ng mga proyektong aming isinasagawa sa mga komunidad,” ayon naman kay Taki Tateno, president nominee designate ng Rotary Club of San Juan Supreme. Press release

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here