LUNGSOD NG SAN FERNANDO – Pinagkaitan man ng karalitaan na maka-abot man lamang sa mataas na paaralan noong kanyang kabataan, buong kagalakan ngayong ipinagmamalaki ni Brendalin Dollete, 56, ang high school diploma na kanyang nakamit sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS) ng Department of Education, katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pampanga.
Sa hirap ng buhay, nahinto sa pag-aaral si Brendalin, panganay sa pitong magkakapatid, at nagtrabaho bilang kasambahay upang makatulong sa kanyang ama at mga kapatid.

Ngunit hindi kailanman nawala ang kanyang pangarap na makapagtapos.
Kaya nang dumating ang ikalawang pagkakataon upang makapag-aral, hindi na niya ito pinalampas!
Isa si Brendalin sa 745 ALS passers na matagumpay na nagtapos ngayong taon.
Bilang pagkilala sa kanilang pagsisikap at tagumpay, nagbigay si Gov. Lilia “Nanay” Pineda ng tig-P2,000 cash incentive sa bawat ALS graduate noong Nov. 17.

Hindi rito nagtatapos ang suporta ni Gov. Nanay! Nangako rin siyang tutulong sa mga nagtapos na magkaroon ng oportunidad sa trabaho sa pamamagitan ng vocational training at iba pang programa ng Kapitolyo.
Ang kuwento ni Brendalin ay paalala na hindi hadlang ang edad, kahirapan, o nakaraan upang matupad ang isang pangarap. Pampanga PIO/Photos: Daniel Ombina



