Sabayang ‘oratio imperata’ isasagawa sa Linggo

    408
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Pangungunahan ng Diyosesis ng Malolos ang sabayang pananalangin ng “oratio imperata” sa lahat ng parokya sa Bulacan at lungsod ng Valenzuela sa araw ng Linggo upang hilingin ang pagbuhos ng ulan.

    Ito ang kauna-unahang sabayang panalangin ng oratio imperata na pangungunahan ng diyosesis samantalang patuloy ang pag-init na inaasahang tataas pa hanggang sa huling linggo ng Mayo. Kaugnay nito, patuloy naman ang pagbulusok ng water elevation na bumaba sa 177.20 meters above sea level (masl) kahapon, matapos sumayad sa kritikal na 180 masl noong Mayo 11.

    Hindi naman nadagdagan ang lebel ng tubig sa Bustos Dam sa kabila ng pag-ulan noong Linggo at Martes ng gabi ngunit ayon sa National Irrigation Administration, may sapat silang patubig sa nalalabing halos 1,000 ektarya ng bukirin sa lalawigan.

    Ayon kay Fr. Dario Cabral, nagpalabas na ng mensahe si Obispo Jose Oliveros noong Lunes, Mayo 19. para sa pagsasagawa ng panalanging oratio imperata. Ang nasabing panalangin na kumikilala sa kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng nilikha maging sa kalikasan ay karaniwang humihiling ng interbensyon kapag nahaharap ang sambayanan sa kalamidad tulad ng tagtuyot at malawakang pagbaha.

    Sinabi ni Cabral na ang panalangin ay isasagawa sa pagdiriwang ng misa sa lahat ng parokya sa Bulacan at Lungsod ng Valenzuela sa araw ng Linggo. Ang nasabing lungsod na ngayo’y nabibilang sa Kalakhang Maynila ay dating bahagi ng Bulacan, ngunit ang mga simbahang katoliko doon ay nananatiling nasa ilalim ng pamamahala ng Diyosesis ng Malolos.

    Una rito, sinimulan ni Cabral ang pananalangin ng oratio imperata sa isang parokya sa Lungsod ng Meycauayan noong Mayo 11. Sinundan ito ng pagpapahatid ng kahilingan kay Oliveros upang magsagawa ng katulad na panalangin sa buong diyosesis.

    Matatandaan na ang oratio imperata ay binigkas ng maraming Bulakenyo sa panahon ng pananalasa ng El Nino noong 2010, at sa pananalasa ng malakas na ulan na hatid ng hanging habagat na nagdulot ng malawakang pagbaha sa Bulacan noong nakaraang taon. Ngunit ang mga panalanging ito ay hindi inendorso diyosesis.

    Samantala, halos ay walang naging epekto sa Bustos Dam ang ilang gabi ng pag-ulan sa Bulacan. Ayon kay Inhinyero Precioso Punzalan,assistant operation engineer ng NIA na namamahala sa dam, mas bumaba pa ang lebel ng tubig sa dam.

    Ito ay matapos putulin ng National Water Resources Board (NWRB) ang alokasyong patubig sa NIA na nagmumula sa Angat Dam. Gayunpaman, sinabi ni Punzalan na may sapat silang patubig para sa nalalabing halos 1,000 ektrayang bukirin sa Bulacan at Pampanga na hindi pa nakaka-ani ng pananim na palay.

    Nagpahayag din ng pagasa si Punazalan sa planong pagsasagawa ng oratio imperata sa Bulacan. Binigyang diin niya na walang imposible sa Diyos at maraming beses nang nasubukan ang bisa ng panalangin kapag ang bansa ay nahaharap sa kalamidad.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here