Sa paglabo ng tubig, Angat dam pinapanukalang hukayin

    443
    0
    SHARE
    NORZAGARAY, Bulacan – Pinapanukala na ni Engr. Rodolfo German, manager ng Angat Reservoir Hydro Electric PowerPlant ang paghuhukay o dredging sa Angat dam.

    Ito ay matapos makaranas ng paglabo ng serbisyo ng tubig sa ilang bahagi ng Metro Manila noong nakaraang araw.

    Sa panayam ng Punto kay German, sinabi nitong noong panahon ng State of the Nation Address (SONA) nitong ika-26 ng Hulyo ay lumabo ang kanilang inilabas na tubig mula sa Angat dam dahil sa nasagad ang level ng tubig dito kaya sumama ang silt.

    Ang malabong tubig na inilabas ay posible aniyang ngayon pa lamang dumating sa Maynila at nahirapan sa pagproseso nito upang palinawin ang tubig.

    Dahil dito ay pinapanukala na ni German ang dredging o hukayin ang Angat dam upang palalimin ito.

    Mula aniya noong gawin ang Angat dam, may 40 taon na ang nakakaraan ay hindi pa nahuhukay muli ang dam na posibleng bumabaw na ng 20 metro.

    Kada taon kasi aniya ay nagkakaroon ito ng siltation ng umaabot sa kalahating metro at kung 40 taon na ang edad ng Angat dam ay may siltation na ito ng 20 metro.

    Kung mahuhukay aniya ito ay magkakaroon ng kalidad na tubig at maiiwasan ang paglabo nito sa panahong mababa ang level ng tubig.

    Ngunit aminado si German na hindi basta-basta ang paghuhukay sa Angat dam at kakailanganin nito ang malaking pondo.

    Sa kasalukuyan, sa kabila ng mga normal na pag-ulan at cloud seeding operation ng Bureau of Soil and Water Management, ay bumaba pa ang level dito ng 163.30 meters mula 163.38 meters.

    Nang nakaraang linggo ng ilunsad ang cloud seeding operation ay umangat ng 5 punto ang tubig sa dam ngunit humina naman ang inflow nitong nakaraang mga araw kayat bumaba ang tubig ng 0.08 metro.

    Ngunit dahil sa lagpas naman ng 160 meters ang taas ng tubig dito, naibalik na ang ilang turbina sa power generation operation habang ang iba pa ay sumasailalim sa preventive maintenance.

    Panawagan pa rin niya sa mga taga Metro Manila na magtipid sa paggamit ng tubig kahit manumbalik pa sa normal ang reserbang tubig dito.

    Inaasahan aniyang nitong buwan ng Agosto hanggang Setyembre ay papasok na ang panahon ng tag-ulan na magpapanumbalik sa normal na level ng tubig dito.

    Sa Angat dam aniya ay may mga ginagawa silang dam safety review.

    Aniya, dumaan na ang dalawang malakas na lindol noong 1969 at 1991 sa Angat dam ngunit wala namang nakitang pagbabago sa istraktura nito.

    Kayat masasabi umano niyang disaster free naman ang istraktura ng Angat dam.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here