Right of Reply Bill dapat ibasura

    277
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY—Dapat nang ibasura ang panukalang Right of Reply ayon sa mga beteranong mamamahayag, samantalang halos 60 campus journalist mula sa Gitnang Luzon ang lumagda sa petisyon matapos ang isang forum hinggil sa nasabing panukalang batas na isinagawa sa lungsod na ito noong Biyernes.

    Ayon kay Alwyn Alburo, ng National Union of Journalists of  the Philippines (NUJP) at isa sa mga panelist sa nasabing forum, hindi tapos ang laban sa panukalang Right of Reply kahit ipinabalik iyon ni House Speaker Prospero Nograles sa Committee on Public Information na pinamumunuan ni Rep. Bienvenido Abante ng ika-anim na distrito ng Maynila.

    Ang  Forum on the Right of Reply ay inorganisa ng Office of the Student Publications ng Bulacan State University (BulSU) sa lungsod na ito noong Biyernes sa pakikipag-ugnayan ng Central Luzon Press Council (CLPC) at NUJP-Bulacan Chapter.

    “Our campaign shifted for the total scrapping of the Right of Reply Bill,” ani Alburo na nagsabi rin na sinimulan nila ang isang signature campaign na “No to Right of Reply Bill” noong Pebrero.

    Sinabi niya na hindi sila tutol sa prinsipyo ng Right of Reply, ngunit iginiit niya na ginagawa na iyon ng mga responsableng pahayagan at organisasyon ng mga mamamahayag.

    Gayundin ang naging pahayag nina Jose Pavia ng Philippine Press Institute at ng Freedom Fund for Filipino Journalists (FFFJ), at ni  Hector Bryant Macale ng Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR).

    Ayon kay Pavia, ang panukalang Right of Reply ay labag sa 1987 Constitution, at hindi na kailangan ang lehislasyon para maging responsable ang mga mamamahayag.

    “Prior restraint ang Right of Reply Bill,” ani Pavia at iginiit na ang dapat isulong na batas ng mga kongresista ay ang “duty to reply” dahil maraming opisyal ang ayaw tumugon sa tanong ng mga mamamahayag.

    Nagbiro pa siya na  ”good thing about the Right of Reply is that it is not rifle by reply”, at sinabing umabot na sa 78 mamamahayag sa bansa ang pinaslang mula 1986.

    Sinabi naman ni Macale na hindi lamang mga regular na pahayagan ang sakop ng panukalang Right of Reply, kungdi maging mga campus newspapers.

    “Hindi lang regular newspaper ang apektado ng Right of Reply kundi maging school publications at higit sa lahat, ang mga mamamayan na umaasa sa media para  sa impormasyon lalo na kung panahon ng halalan,” ani Macale.

    Kaugnay nito, umabot sa halos 60 campus journalists ang lumagda sa unified statement laban sa Right of Reply Bill na inihanda ng NUJP matapos ang forum.

    Ang mga campus journalists ay nagmula sa Wesleyan University sa Cabanatuan City, Mondrian Aura College sa Olongapo City, at sa ibat-ibang campus publication ng BulSu sa lungsod na ito, sa bayan ng Bustos at maging sa San Jose Del Monte City.

    Kabilang din sa mga lumagda ay ang mga campus journalists mula sa Baliuag University,  University of Regina Carmeli (URC) sa Malolos, at sa Bulacan Agricultural State College (BASC) na matatagpuan sa bayan ng San Ildefonso, Bulacan.

    Ayon kay Alburo ang mga campus journalist mula sa Baguio City ang mas naunang lumagda sa nasabing unified statement.

    Ngunit binigyang diin niya na mas mataas ang bilang ng mga campus journalist sa Gitnang Luzon ang lumagda sa nasabing petisyon.

    Sinabi niya na patuloy na magsasagawa ng kampanya ang NUJP sa ibat-ibang pamantasan sa bansa upang higit na maunawaan ang epekto ng Right of Reply Bill.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here