SUBIC, ZAMBALES—-
Nagsama-sama ang iba’t-ibang civilian motorcycle groups at mga bigbike enthusiast mula sa mga sangay ng Sandatahan Lakas ng Pilipinas sa ginanap na Ride for West Philippine Sea noong Linggo,
ng umaga, Agosto 25, 2024 bilang bahagi ng paggunita sa Araw ng mga Bayani o National Heroes Day.
Nag-umpisa ang paglalakbay ng tinatayang 500 motorcyle enthusiast mula sa Camp Aguinaldo sa Quezon City at sa Camp Aquino sa Tarlac bandang 5:00 ng madaling-araw kung saan nagsanib ang dalawang grupo sa Clark Freeport sa Pampanga bago tumulak sa Naval Operations Base ng Philippine Navy Fleet sa Subic, Zambales.
Sa loob ng Naval Operations Base isang maikling programa ang isinagawa subalit naging off-limits ito.
Bawat rider ay magbibigay ng kanilang dalang donasyong care packages na ipadadala sa mga kasundaluhan na nakadestino sa iba’t-ibang lugar sa mga pinaglalabanang teritoryo or isla sa West Philippine Sea.
Layon umano ng inisyatibong ito na itaas ang kamalayan ng bawat mamamayan gayundin ang pagkalap ng suporta para sa pangangalaga sa West Philippine Sea. (JOHNNY R.REBLANDO)