(Photo grabbed from web)
SAN JOSE CITY – Tahasang itinanggi ng mga rice miller sa Nueva Ecija ang akusasyon na sangkot sila sa rice hoarding o pag-ipit ng kanilang stock kaya’t hindi masyadong bumababa ang presyo sa pamilihan.
Sa stakeholders forum na ginanap sa lungsod na ito nitong Miyerkules ay ipinunto ni Elizabeth Vana, president ng rice millers’ association sa lalawigan, na kailan man man ay hindi nila ginawa ang mang-ipit ng stocks lalo’t ngayon ay bumabaha ng imported na bigas kaugnay ng implementasyon ng Rice Liberalization Law o RA 11203.
“Ang kailangan nga namin ay maubos ang aming stock dahil yung mga trader ay laging may option na bumili ng imported,” paliwanag ni Vana sa mga magsasaka.
Kaugnay nito ay sinabi ni Vana na hindi sila hihinto sa pamimili ng palay mula sa mga local na magsasaka ngayong anihan sa kabila ng panganib na mabaon sila sa pagkalugi.
Sa talakayan ay ipinakita ni Vana ang samples ng mga bigas na lokal at imported.
Sa kanya mismong obserbasyon ay sinabi ni Vana na higit na maganda at mabango ang imported na bigas ngayon kaya’t mas gugustuhin ng mga mamimili.
Ani Vana, namimili sila mgayon ng mula P12.50 kada kilo ng palay na nalubog sa tubig hanggang P14.50 kada kilo ng bagong ani.
“Ngayon nga, alalay din kaming rice millers sa pamimili dahil paano kung itong mga palay na ito na stock-in namin during October, November, December kailangan ay maout namin ito before end of December dahil by January ay open uli ang importation. So flooded uli siya so nasa amin itong stocks,” sabi ni Vana.
Binigyang-pansin naman ni Mayor Mario Salvador ang pangangailangan sa mabilisan at tamang tulong ng pamahalaan sa mga magsasaka.
“Baka naman napakatagal na panahon bago nila makumpleto ‘yun. Kaya ang kailangan natin ay solusyon para sa mga problema ng farmers natin, saad ni Salvador, matapos marinig ang mga programa na inilalatag ng iba’t ibang ahensiya na magpapatupad ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).
Sa forum ay inamin ng kinatawan ng National Food Authority (NFA) na sa ngayon ay naghahanap pa rin sila ng karagdagang warehouse upang mapag-imbakan ng bibilhing.
Kailangan pa ring by-schedule ang pagbebenta sa kanila ng mga magsasaka dahil wala di-umano silang sapat na kakayanan na patuyuin ang palay nang sabay-sabay.
Sa Land Bank of the Philippines naman ay maaaring makautang ang mga kooperatiba o indibidwal na magsasaka ngunit kailangang kasama sila sa Registry System on Basic sectors in Agriculture (RSBSA), ang listahan na ginawa batay sa survey ng Philippine Statistics Authority (PSA) ilang taon na ang nakararaan.
Lumalabas na marami sa mga magsasaka ang hindi kasama sa nasabing listahan at kasalakuyan pa itong sumasailalim sa balidasyon ng Department of Agriculture (DA).
Sa RSBSA din ibabase ang pagkakalooban ng suporta sa binhi ng PhilRice at makinarya ng PhilMech. Batay sa datus ng gobyerno nasa ay 175,950 ektarya ang lupaing tinatamnan ng palay at sibuyas sa Nueva Ecija. Pangkaraniwang ani dito kada ektarya ay 80 kaban kung tagulan at 130 hanggang 240 kaban kung tag-araw.
Nasa P25,000 hanggang P30,000 kada ektarya naman amg puhunan sa irrigated at P35,000 hanggang P45,000 kada ektarya sa non-irrigated, batay sa datus ng pamahalaan.
Samantala, nakahanda naman ang itinakda ng NFA sa 900,000 kaban ang bibilhin nito sa Nueva Ecija ngayong anihan.
Sa naturang talakayan ay muling ibinida ng PhilMech, Land Bank, DA, at mga ahensiyang magi-implementa ng P10-billion RCEF.
Ngunit duda ang mga magsasaka na matutulungan sila kaagad dahil sa mga hakbangin na kailangan pang gawin bago matanggap ang suporta.
Isinusulong naman ni dating provincial prosecutor Danilo Yang ang collective farming o pagsasama-sama ng mga magsasaka upang maging viable o siguradong matatag ang agrikultura. Kung gayun daw kasi ay tatakbo ito na parang negosyo at makapaglalagak ng suporta ang pamahalaan.
Maaari aniyang palakasin ang mga kooperatiba upang ito ay maisakatuparan.