HERMOSA, Bataan – Isang magandang nature resort ang matatagpuan sa Mabiga, isang upland village dito, na kahit katanghaliang-tapat ay malamig ang simoy ng hangin dahil malapit sa bundok at napapaligiran ng mga punong-kahoy at niyog.
May dalawang malaking swimming pool na ang isa ay malapit sa isang man-made na talon. Sa tabi ng swimming pool ay may isang malaking punong-kahoy na nagsisilbing kainan at pahingahan ng mga naliligo.
Naghahalo ang mga nipa hut at mga makabagong gusaling aircon sa Punta Belle Nature Resort. Ang mga bahay-kubo ay nasa gitna ng palaisdaan na may pakawalang tilapia na ang daraanan ay mga tulay na kawayan.
Sa tabi ng daan malapit sa mga swimming pool at fresh water fishponds ay naghanay ang malalaking palm trees.
May isang basketball court naman na nagsisilbing libangan ng mahilig sa larong ito. “Maganda kaya pabalik-balik kami,” sabi ng isang matandang babae na nag-aasikaso ng pagkain ng mga kasamahan na umano’y mahigit 50 at sakay ng isang 6 x 6 truck galing sa Lubao, Pampanga.
Ang entrance fee ay P70 sa bata at P90 sa mga matatanda mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon. Sa gabi naman (5:00 p.m. to 10:00 p.m.) ay P90 sa bata at P120 sa matatanda) Ang mga regular cottages sa gitna ng tubigan ay P450 sa gabi at P400 sa araw.
Ang mga airconditioned rooms ay mula P1,500 hanggang P3,500 depende sa laki nito. Ang conference hall na kaya ang 300 tao ay P18,000 sa loob ng 3 oras. May pavilion na P2,500 sa araw at P3,000 sa gabi.