Ang talangka ni PNoy

    142
    0
    SHARE

    “Nasa alaala ko pa po ang kuwento ng mga Pilipinong alimango. Siguro po narinig na ito ng ilan sa inyo: sa loob daw po ng isang bar, umiinom ang isang Amerikano.

    Pumasok ang isang mangingisdang Pilipino na may dalang timba na puno ng alimango. Ibinaba niya ito; ang sabi ng Amerikano: “Buddy, your crabs are about to escape.” Ang sagot naman ng Pilipino:

    “Don’t bother; they’re Filipino crabs. Before they get out they’ll be pulled in.” Walang makakaangat, kasi lahat sila naghahatakan pababa. Habang pinipilit ng ilang kababayan nating makaahon, siya namang sipag ng ilan na hilain siya pababa.”

    Ito ang pambungad na pananalita ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III sa talumpating binigas sa pagbubukas ng dalawang araw na Philippine Press Institute National Press Forum (PPI-NPF) na isinasagawasa Traders Hotel Manila noong Abril 23 at 24.

    Hindi ko alam kung saang kagubatang kongreto isinilang at lumaki ang speech writer ni PNoy.

    Ako po ay isinilang sa bukirin ng Hagonoy, at limang taon pa lamang ay naghuhuli na ng talangka sa bukid kung buwan ng Hunyo hanggang Setyembre noong Dekada 70.

    Sa kaalaman ng marami, may tatlong paraan kaming ginagamit noon maramihang paghuli ng talangka.

    Una ay sa pamamagitan ng bintol. Ito yung pinag-ekis na maikling kawayan na may lambat sa ilalim at may paing isda. Inilulubog ito sa tubig sa bukid, palaisdaan o sapa. Pagkaraan ng ilang minuto ay pinapandaw at ang mga talangka ay isinasalin sa timba.

    Ikalawa ay sa pamamagitan ng lambat o bukatot na nakauman sa ilog, sapa o kaya ay sa prinsa ng bukid o palaisdaan.

    Ikatlo ay sa pamamagitan ng “tabong bikbik” o bao ng niyog na may pain na basang darak. Inilulubog ito sa tubig ng bukid o palaisdaan.

    Marami ang tabong bikbik, nakahilera ito ng may dalawa hanggang tatlong metro ang bawat isa. Dahil nakalubog sa tubig, kailangang tarawan ito ng pinutol na tambo o kinayas na kawayan upang matukoy kung saan nakalubog.

    Okey, suriin muna natin ang pambungad na saknong ng talumpating binigkas ni PNoy. Malamang hindi siya ang sumulat nito, tiyak na speech writer lang.

    Pero may problema po ang speech writer ni PNoy dahil hindi magkakaungay ang binanggit na impormasyon.

    Una, binanggit sa talumpati ni Pnoy ay ang kuwento ng “Pilipinong alimango” na nag-aakyatan sa labi ng timba.

    Tapos ay ininglis at ang sabi ay “they’re Filipino crabs.” Tama po ang translation di ba? Alimango, tapos “crabs.”

    Pero kung susuriin natin ang kuwento, makikita natin ang mali. Ang alimango ay ang malalaki at bruskong pinsan ng mga talangka, di po ba?

    Eto ang mali sa kuwento. Sumasampa daw palabas ng timba yun alimango. Posible, pero sa mahabang panahon, ang mga alimango ay hindi dinadala sa bar o ibinebenta ng hindi nakatali.

    Kaya nga po sa Hagonoy, may kasabihan na ang pinakamalas na lamang-dagat sa buong mundo ay ang alimango. Minsan lang daw makarating sa palengke ay nakagapos pa.

    Eh bakit po hindi igagapos ang alimango, sa laki ng mga sipit noon, pag nasipit ang anumang nakalawit sa iyo ay kayang putulin.

    So, lumalabas po na iba yung alimango at crabs na binanggit ni Pnoy sa kanyang talumpati.

    Malaki ang posibilidad na yung timba sa alimango na dinala sa bar na nakita ng Amerikano ay di alimango, sa halip ay mga talangka lamang.

    Imposible po talagang na alimango yung nasa timba. Kasi nga, ang mga alimango ay iginagapos at tinatangkas pagnahuli ng mangingisda.

    Isipin na lang ninyo, paano makakaakyat sa labi ng timba yung nakagapos at naka-tangkas na alimango?

    Ito po ang problema sa ilang speech writer, hindi sinusuri ang kwentong sinusulat. Tapos pinalabas pa ni Pnoy na bata pa siya ng marinoig ang kuwentong iyan.

    Lumalabas po na ang nasabing kuwento ay gawa-gawa lamang upang iakma sa pananaw na “crab mentality.”

    Hindi rin natin masasabing absuwelto si Pnoy sa maling speech na ipinabasa sa kanya ng kanyang speech writer.

    Hindi muna niya inunawa yung kuwento. Iyan ang hirap kapag ang nagsasalita at nagkukuwento ay sa tubuhan at hindi sa bukid lumaki.

    Kaya po sa susunod, kung sinuman sa atin ang magkukuwento o gagamit na halimbawa sa crab mentality ng mga Pilipino pag-isipan muna po natin.

    Mukha pong pananaw ng mayaman ang ipinaglalaban sa kuwento ng crab mentality at hindi ang pag-uugalit sikolohiya ng samabayang Pilipino.

    Nakalulungkot, sa mahabang panahon ay tinanggap natin ang pananaw na ito upang pigilan tayo sa “pagbatikos” o pagtawag pansin sa mga namumuno.

    Panahon napo upang malaman natin ang dalawang perspektino sa pananaw na “crab mentality. Abangan po ninyo iyan sa susunod na edisyon ng Puntong Bulacan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here