Home Headlines Replika ng Itim na Poong Nazareno dinarayo

Replika ng Itim na Poong Nazareno dinarayo

641
0
SHARE
Caretaker Jimmy Mangalindan sa harap ng imahen ng Itim na Poong Nazareno: Kuha ni Ernie Esconde

LUNGSOD NG BALANGA — Araw-araw mula noong ika-30 ng Disyembre 2022 ay dinarayo ng maraming deboto ang replika ng imahen ng Itim na Poong Nazareno na pansamantalang nakalagak sa tabi ng Saint Joseph Cathedral sa lungsod na ito ng Bataan. 

Katulad nitong Sabado, dating at dating ang mga deboto na nagsisipagdasal muna ng kanilang kahilingan bago lumapit at humaplos sa paanan ng Poon. Ang iba ay nag-aalay ng kuwintas ng bulaklak ng sampaguita. 

Sinabi ni Jimmy Mangalindan, caretaker ng imahen, na sa kapistahan ng Itim na Poong Nazareno sa Enero 9, magkakaroon ng prusisyon sa palibot ng kabayanan sa Lungsod ng Balanga matapos ang Banal na Misa ng alas-6 ng gabi. 

“Iniimbitahan ko ang bawat isa na sumama sa prusisyon ngunit kailangang sundin pa rin ang mga safety protocol tulad ng pagsusuot ng face mask at siyempre, pag-iingat,” sabi ni Mangalindan. 

“Mayroon pa ring pagpupunas ng panyo tulad ng magaganap sa araw ng Linggo, bisperas ng kanyang kapistahan at ito ay hindi pahalik bagkus ay pagpupugay sa Poon nang sa gayon ay ma-bless lalong lalo na ang may mga kahilingan at karamdaman,” dagdag pa ng caretaker.

Simula, aniya, noong Disyembre 30 dire-diretso ang nobenaryo 24 oras ng mga  mananampalataya at talagang natutuwa umano siya dahil ginamit siya ng Panginoon at kinasangkapan para mapalapit ang bawat isa sa Mahal na Ama.

“Bale 12 taon na namin itong ginagawa at patuloy na dumadagsa ang mga mananampalataya lalong-lalo na ang mga may kahilingan na alam kong talaga namang nasusunod,” sabi ni Mangalindan. 

Ayon naman kay Verginia Asuncion, 60, na mula pa sa Limay, Bataan, dati siyang nagpupunta sa Quiapo, Manila kung saan nandoon ang orihinal na imahen ng Itim na Poong Nazareno. “Kaya nga lang noong mag-pandemic ay hindi na ako nakapunta at noong magkaroon dito ay dito na ako nagpupunta.”

Bata pa umano siya ay nananampalataya na siya sa Mahal na Poong Nazareno.

“Ang kahilingan ko lang ay maging malusog kami at hindi kami mapabayaan. Lahat ng sagot maging sa problema namin ay naibibigay sa amin. Totoo ito dahil lahat ng aking dalangin ay hindi nagmintis at talagang ibinibigay at napakabait ng Nazareno,” sabi ng babae. 

“Hindi madamot ang Mahal na Poong Nazareno sa mga tao dahil once na humiling ka at bukal sa loob mo talagang ibibigay niya.  Kaya kahit saan ko makita ay talagang lumalapit ako at talagang hindi ako nakakalimot na manalangin sa kanya,” sabi pa ni Asuncion. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here