Home Headlines Regional ASEAN Festival sa Malolos, isinulong ng DepEd para sa pang-edukasyong inobasyon...

Regional ASEAN Festival sa Malolos, isinulong ng DepEd para sa pang-edukasyong inobasyon sa Timong Silangang Asya

613
0
SHARE
Itinaguyod ng Department of Education (DepEd) na maiangat pa ang antas ng kamalayan ng mga kabataan at guro patungkol sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Patunay dito ang idinaos na Regional ASEAN Festival sa Marcelo H. Del Pilar National High School sa pangunguna ng Schools Division of Malolos. (Shane F. Velasco/PIA 3)

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Itinaguyod ng Department of Education (DepEd) na maiangat pa ang antas ng kamalayan ng mga kabataan at guro patungkol sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Patunay dito ang idinaos na Regional ASEAN Festival sa Marcelo H. Del Pilar National High School sa pangunguna ng Schools Division of Malolos.

Ayon kay DepEd-Malolos Education Program Supervisor para Araling Panlipunan Salvador Lozano, naging pagkakataon ang pagiging tagapangulo ng Pilipinas ngayong taon upang lubos na maipaunawa ang mga oportunidad at kahalagahan ng ASEAN sa larangan ng edukasyon, trabaho, at propesyunalidad.

Matatandaan na tatlo ang haligi ng ASEAN na kinabibilangan ng economic community, political security at ang socio-cultural community.

Sa aspeto ng economic community, nagsisilbing pundasyon nito ang ASEAN Mutual Recognition Arrangement kung saan kinikilala ang pantay na pagtrato sa mga propesyunal sa Timog Silangang Asya sa isang rehiyon na malaya ang palitan ng mga produkto at pamumuhunan.

Habang sa socio-cultural community, sumesentro ito sa pagkalinga ng ASEAN sa mga mamamayan ng 11 mga bansang kasapi sa larangan ng pag-aangat ng kabuhayan, paggalang at pagkilala sa iba’t ibang kultura rito, pangangalaga sa kalikasan at ang pagpapabuti ng mga serbisyong panlipunan.

Kaya’t sa diwa ng nasabing mga haligi ng ASEAN na binibigyang diin sa mga mag-aaral at mga guro, sumentro sa limang kumpetisyon ang pinagpandayan ng mga delegado mula sa may 21 school divisions na lumahok.

Ito ang ASEAN Curriculum Integration Challenge kung saan kampeon ang gurong si Mark Julius Macale ng  DepEd School Division of Malolos, na modelo sa paghahanda at paraan ng pagtuturo kung papaano maihahanay o maisasama ang tungkol sa ASEAN sa mga paksa partikular sa Araling Panlipunan.

Tinanghal namang First Runner-up ang guro ng DepEd-Bulacan na si Maesie Dela Pena.

Nanguna naman ang Dinadiawan Elementary School sa Aurora sa ASEAN School Governance Excellence sa pangunguna ng school head nitong si Analyn Fabrigas.

Dito tinitignan kung naililinya ang pangangasiwa sa paaralan sa paraang itinakda ng ASEAN, sa pamamagitan ng iba’t ibang kasunduan sa larangan ng edukasyon na pinagtibay mula sa mga nakalipas na ASEAN Summits.

Sumunod naman ang San Roque National High School sa Lungsod ng Gapan, Nueva Ecija sa ilalim ng school head nitong si Wajavina Catacutan.

Sa ASEAN Debate, nangibabaw ang galing ng mag-aaral na si Audrey Belle Corpuz ng DepEd Olongapo City sa tagisan ng paghahain ng mga argumento at pagpapaliwanag sa mga usapin na tinatalakay sa ASEAN kaugnay ng mga haligi nito.

Ang First Runner up sa patimpalak na ito ay si Jann Jacob Mendoza mula sa DepEd Tarlac Province.

Nanalo naman si Calexandrio Jullian Tejones ng Maria Aurora Central School sa Aurora sa ASEAN Young Ambassador Speech Contest na kakakitaan ng potensiyal na makapasok bilang propesyunal sa larangan ng foreign service.

Pumangalawa sa kanya si James Stephen Limpo ng Barasoain Memorial Integrated School ng Malolos.

Habang sa Project MAKABANSA, nagwagi si Marcelo Salamat Jr.  ng Marcelo H. Del Pilar National High School sa Malolos at first runner-up si Agapito Emeterio Jr. ng Ibona National High School sa Aurora.

Sa ilalim ng umiiral na MATATAG Curriculum, kinonsepto ang Project MAKABANSA upang palakasin ang diwang makabayan ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng paglalahok sa kanila sa mga gawaing pangkomunidad at panglipunan. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan) 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here