REGALO SA LABOR DAY:
    70 kawani ng NorthRail sinibak

    339
    0
    SHARE
    GUIGUINTO, Bulacan—Sa halip na kasiyahan, kalungkutan ang bumalot sa 70 kawani ng North Luzon Railways (NorthRail) dahil kakatwang handog sa kanila nitong Mayo 1 o Labor Day.

    Ang 70 kawani ay tinanggal sa tungkulin o sinibak dahil sa mula noong Marso 28 ay kanselado ang kontrata ng Sinomach Group para sa konstruksyon ng proyektong North Rail.

    Tutol man, nakipagnegosasyon pa rin ang mga kasapi ng United Employees of NorthRail (UEM) sa pamunuan ng kumpanya noong Biyernes, Abril 29 sa pag-asang mabago pa ang desisyon ng kumpanya, ngunit wala ring nangyari.

    Ayon kay Abogado Sonny Matula, tagapagsalita ng UEM, hindi makatarungan ang pagsibak sa 70 kawani dahil sa paglabag ng NorthRail sa proseso.

    Binigyang diin niya na dapat ipabatid sa mga manggagawa ang pagsibak sa kanila 30 araw bago patigilin sa pagtatrabaho.

    Ngunit batay sa mga dokumentong inilabas ng UEM, noon lamang Abril 14 ipinabatid sa 70 manggagawa na sila ay sisibakin simula Mayo 1.

    “Biglaan at wala sa proseso ang pagtatanggal sa amin,” ani ng isang kawani na tumanggi na ipabanggit ang pangalan.

    Giit naman ng kaniyang mga kasama, “paano na ang aming pamilya?”

    Batay sa “Formal Notice of Temporary Suspension from Work” na kanilang tinanggap noong Abril 14 na sila ay suspendido sa loob ng anim na buwan.

    Ayon sa mga kasapi ng UEM, ang kanilang suspensyon sa trabaho ay dalawang buwan lamang, at hindi lalampas ng anim na buwan.

    Sinabi pa nila na ayon sa pamunuan ng North-Rail, sila ay sinibak sa trabaho dahil mula noong Marso 28 ay kanselado ang kontrata ng Sinomach Group, ang kontraktor na Tsino na nagtatayo ng North Rail Project.

    “Kaya daw kami sinibak ay kanselado na ang kontrata ng Sinomach, pero batay dun sa mga lumabas sa dyaryo, tuloy ang NorthRail Project,” ani ng isa pang kasapi ng UEM.

    Noong Miyerkoles, nakipagnegosasyon ang UEM kay Abogado Jose Andres Bautista, vice president for corporate social service group ng NorthRail.

    Ngunit gumuho ang pag-asa ng mga kawani, dahil sa pagmamatigas ni Bautista na bawiin ang unang desisyon ng pamunuan ng NorthRail.

    Noong Biyernes ng hapon, muling nagsagawa ng negosasyon sa pagitan ng dalawang grupo, ngunit hindi pa rin pumayag ang pamunuan ng NorthRail na bawiin ang regalong pagsibak sa 70 manggagawa.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here