Rally kontra coal plant sa Olongapo

    319
    0
    SHARE

    Ang grupong SAMANA Defend Olongapo, Defend Zambales at KPD na nagsagawa ng rally mula sa Marikit Park patungo ng Freeport Main Gate sa Olongapo City na nagpapakita ng pagtutol sa pagpapatayo sa 600-megawatt coal thermal plant sa Redondo Peninsula sa Barangay Cawag, Subic, Zambales.

    Kuha ni Johnny R. Reblando

    OLONGAPO CITY —Binatikos ng Coal-Free Central Luzon Network (CFCLN) ang mga opisyal ng gobyerno na siyang nagsusulong sa mga itinatayong coal-fired thermal plant sa bansa sa ginanap na 8th Asia Clean Energy Forum.

    Kasunod nito ang pagsasagawa ng mga rally sa mga lugar na pagtatayuan at pinagtayuan ng coal plant at ang planong expansion sa mga ito, gaya ng Mariveles Coal Plant sa Bataan at Masinloc Coal Plant sa Zambales at ang itatayong 300 megawatts coal power plant sa Subic, Zambales.

    Nanguna ang SAMANA, Defend Zambales at KPD sa rally na nagsimula sa Marikit Park na nagtapos sa Freeport Main Gate kung saan isinagawa ang programa na nagpapakita ng mahigpit na pagtutol sa pagpapatayo ng coal plant sa Subic.

    Ayon naman kay Rufina Arcega, spokesperson ng CFCLN, na hindi sila tutol sa pag-unlad, ang tinututulan nila ay ang pagpapatayo ng coal plant na siyang nagbubuga ng lason na nakakamatay.

    Dagdag ni Arcega, sakaling ituloy ang coal plant, kanila itong idudulog sa Korte Suprema o di kaya sa international court. Ang mahalaga aniya ay maipamulat sa tao ang magiging epekto nito.

    Hindi rin naniniwala si Arcega na kapag may itatayong planta ay magmumura ang bayad sa kuryente.

    Ginawang halimbawa ni Arcega, ang itinatayong 600 megawatts coal thermal plant sa Barangay Bani, Masinloc, Zambales noong 2005 na sa pangako na bababa ang singil sa kuryente, pero hindi ito naipatupad.

    Isa sa mga binabatikos ng mga militanteng grupo ay ang napipintong pagpapatayo sa 600 megawatts coal thermal plant sa Redondo Peninsula at 200 megawatts power plant ng Korean Electric Power Corp., pawang sa Subic, Zambales; expansion ng 600 megawatts ng Masinloc, 300 mega wattspower plant sa Mariveles at 600 megawatts power plant sa Limay pawang sa Bataan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here