Sa programa hinggil sa modernisasyon
ng pampasadang dyip ay maraming tutol
at ang tanging dito ay sumasang-ayon
mga mayayamang jeepney operator
mga driver ng dyip ang siyang nangunguna
na tumututol sa nasabing programa
ang unang dahilan hindi nila kaya
ang presyo ng dyip sa taas ng halaga
Kahit pumasada ng buong magdamag
mga pobreng tsuper ay di pa rin sapat
upang makalikom ng ipambabayad
sa hulugang jeepney raw na de-kalidad
Kaya’t ang usapin sa pagpapalawig
upang baguhin na ang mga lumang dyip
kanselado muna dahil sa pagkatig
ng senate president na si senador Chiz
Wika ng senador di pinag-isipan
pagmo-modernize ng nasabing sasakyan
ang pagnanais na ito’y mapalitan
di raw nararapat dahil sapilitan
Binigyang diin niya ang kanyang pagtutol
sa usapin hinggil sa modernisasyon
jeepney bahagi raw ng ating tradisyon
bilang sinauna nating transportasyon
Ang kasaysayan daw di pwedeng burahin
o kaya ay basta na lamang baguhin
dahil ang kulturang kinagisnan natin
ay nararapat lang nating pagyamanin
Noong mayor pa si vice president Sarah
sa syudad ng Davao di sinunod aniya
ang direktiba ng sarili niyang ana
sa panahong ito ay presidente pa
Nagkakaisa ang mga mambabatas
na ito ay hindi muna ipatupad
lalo’t sa masusi nilang pagsisiyasat
ay may natuklasang iregularidad
At sa pagsusuri ni Senador Tulfo
sa mga pagdinig doon sa senado
may mga bagay na natuklasan ito
nang magsalita si Sarao at Francisco
Mga inangkat na modernized PUV
mini-bus lahat at hindi pala jeepney
paano nga naman natin masasabi
na modernong dyip ang ating binibili
At ang masaklap pa ay napag-alaman
binibili natin ay basura na lang
pagkat ay mga yon ay pinaglumaan
sa bansa kung saan galing ang kalakal
Bakit hindi na lang dito ipagawa
upang ma-modernize mga dyip na luma
kaysa sa umangkat pa sa ibang bansa
na bukod sa mahal madaling marira
Ano ang rason at ayaw tangkilikin
ang mga PUV’s na gawa sa atin
katotohanan ay ating aalamin
sa pagpapatuloy nitong senate hearing